MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng National Bureau of Investigation ang mga ulat na nagpakamatay umano ang dalawang magsasaka sa Nueva Ecija dahil sa mababang presyo ng palay.
Sa imbestigasyon ng NBI, walang insidente ng suicide na naitala sa Talavera.
Ang mga nasawi ay mula sa bayan ng Guimba, kung saan mayroong dalawang kumpirmadong kaso ng pagpapakamatay ng magsasaka noong Marso 12, at Marso 18, 2025.
“‘Yung una, according doon sa asawa ay may sakit ‘yung asawa niya. Nahihirapan na at lagi niyang sinasabi na gusto na niyang tapusin ang buhay niya,” pahayag ni NBI Director Jaime Santiago.
Nilinaw ng biyuda ng unang biktima na ang kanyang asawa ay manggagawa sa sakahan at hindi direktang apektado ng mababang presyo ng palay.
Ang ikalawang biktima naman na nagtatrabaho rin sa sakahan ay nagpakamatay dahil sa personal na dahilan, ayon sa NBI.
“Nakausap ‘yung mga kamag-anak, iniwan ng asawa. ‘Yung asawa ay sumama sa ibang lalaki. Masama ang loob ng tao,” ani Santiago.
Natunton ng NBI ang pinagmulan ng maling impormasyon sa isang lokal na kandidato, na ginamit umano ang mga insidente para sa pangangampanya nito sa halalan.
“Pinag-aaralan namin kung meron ba siyang liability.”
Matatandaan na humingi ng tulong ang Department of Agriculture (DA) sa NBI para imbestigahan ang mga balitang ito. RNT/JGC