MATAPOS ang isinagawang press conference nito lamang Lunes, October 5, 2026, sa National Press Club building ni National Public Transport Coalition Chairman Ariel P. Lim at kanyang mga kasamahan sa coalition, malinaw na hindi simpleng pagtutol sa No Contact Apprehension Policy ng local government units ang kanilang naging panawagan.
Bukod sa sangkatutak ang nagsidalo sa pagpupulong, SANDAMUKAL naman ang mga inilatag na hinaing ng koalisyon dahil nga hindi pa handa ang ilang lansangan sa Metro Manila. Sa laki ng puntos ng panawagan, nahikayat nila ang taumbayan at mga netizen dahil nga nandiyan pa rin ang ilang problema tulad ng masamang kondisyon ng daan, kakulangan sa traffic education ng mga driver, depektibong traffic lights and signals, malabo at nakalilitong road markings at safety signs. Malinaw ang hiling ng grupo, ang magkaroon muna ng konsultasyon, malinaw na guidelines, transparency, maayos na proseso ng pagkuwestyon sa citation, proteksyon sa personal data, at pananagutan kapag nagkaroon ng technical error o maling pagkakikilanlan sa apprehension process.
Samantala, ang Valenzuela City na unang nag-anunsyong magpatutupad ng NCAP ay nag-defer dahil sa patuloy na road works at pabago-bagong traffic conditions. Ayon kay Mayor Wes Gatchalian, hindi pa napapanahon ang pagpapatupad habang hindi normal ang kondisyon ng mga kalsada.
Sumunod naman ang Parañaque City na nag-postpone din ng NCAP hanggang further notice upang pag-aralan pa ang traffic enforcement scheme. “SANAOL” sabi nga ng mga ‘Gen-Z’, he-he-he!
Sa ilang online discussions, napakadaming netizen na nagsabing gusto nilang magtagumpay ang NCAP basta tama ang implementation at simplehan ang paraan upang i-contest ang mali. May iba namang nagtatanong kung kayang makita ng camera ang pagkakamali ng isang motorista at kung nahahagip ba nito ang mga obstruction, maling road markings, nakalilitong safety signs at sitwasyong maaaring magpilit sa motorista na lumabag.
Tama naman ang isang punto ng kwalisyon, hindi nga naman teknolohiya ang kalaban kundi ang malabong sistema sa likod ng teknolohiya.
Tumpak din na dapat isaalang-alang ang isang Comprehensive Risk Assessment at Enforcement Action Plan bago tuluyang ipatupad ang NCAP ng LGU.
Bukas ang pahinang ito para sa opinyon ng mga concerned mayor at awtoridad gayundin sa inyong reaksyon, dear readers.






