Home METRO Negosyante, isinelda sa baril at pagbabanta sa buhay ng kapitbahay

Negosyante, isinelda sa baril at pagbabanta sa buhay ng kapitbahay

MANILA, Philippines – BINITBIT sa kulungan ang isang biyudong negosyante matapos pagbantaan ang nakaalitan niyang kapitbahay habang armado ng baril sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, mahaharap sa kasong paglabag sa Grave Threats at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in relation to B.P. 881 (Omnibus Election Code) ang suspek na si alyas “Francisco”, 69.

Ayon kay Col. Cayaban, dakong alas-12:05 ng tanghali nang kumprontahin ni alyas “Ike”, 35, ang suspek sa kanilang lugar sa Kabesang Imo, Bilog, Brgy., Balangkas, matapos madumihan ang sinampay nila nang sipain ni ‘Francisco’ ang kanilang gate na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.

Sa kainitan ng pagtatalo, pumasok ang suspek sa kanyang bahay at nang lumabas ay armado na ng baril saka tinutukan ang biktima sabay sabi ng Matapang ka ha, Ano ba gusto mo?”.

Dahil sa labis na takot, dali-daling pumasok ang biktima sa kanyang bahay bago humingi ng tulong sa mga tauhan ng Polo Police Sub-Station 5, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-4:45 ng hapon at nakuha sa kanya ang isang kalibre .9mm pistol. Merly Duero