PANIBAGONG kontrobersya ang kinakaharap ng Department of Public Works and Highways matapos kumpirmahin ni Secretary Vince Dizon ang pagbibitiw sa puwesto ni Undersecretary Arrey Perez, ang opisyal ng nasabing ahensya na pinaratangan ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste na umano’y lihim na nakikipag-usap sa mga kontratista.
Naunang nagkaroon ng hamunan sina Dizon at Leviste nang ibunyag ng huli na may opisyal ang DPWH na may koneksyon sa isang kontratistang kawani ng DPWH. Ang hamon ni Dizon sa mambabatas mula sa Batangas na pangalanan na ginawa nga ng huli kaya nauwi sa pagbibitiw sa puwesto ni Perez.
Dahil sa pangyayari, muli na namang nagkaroon ng agam-agam ang publiko kaugnay sa mga proyekto ng ahensya na pilit na nililinis ni Dizon.
Bagamat wala pang kongkretong ebidensya, malinaw na muling nasusubok ang kredibilidad ng DPWH.
Sana nga ay magkaroon ng katiyakan mula kalihim na magtutuloy-tuloy ang imbestigasyon at walang paliligtasin sa pananagutan.
Sabagay, sinabi ni Dizon na ang pagbibitiw ni Perez ay hindi nangangahulugang tapos na ang usapin—bagkus, ito ay dapat magsilbing pinto tungo sa mas malalim na pagsusuri sa mga koneksyon sa loob ng ahensya. Sana nga lang!
Ang mga ganitong pangyayari ay sumasalamin sa matagal nang problema sa ating burukrasya: ang malabong linya sa pagitan ng serbisyo publiko at pansariling interes.
Kapag ang mga opisyal ng pamahalaan ay pinaghihinalaang may kinalaman sa mga kontrata o proyekto, unti-unting nawawala ang tiwala ng mamamayan. At sa isang ahensyang tulad ng DPWH—na may malaking bahagi sa pagpapaunlad ng imprastruktura—ang tiwala ay kayamanan.
Sa ngayon, mahalagang patunayan ng DPWH na hindi ito magpapailalim sa kultura ng palusot at padrino. Ang pangako ng transparency at integridad ay hindi dapat manatili lamang sa mga pahayag, kundi ipakita sa pamamagitan ng konkretong aksyon at resulta.
Kung nais ng pamahalaan na mapanatili ang tiwala ng publiko at ng mga dayuhang mamumuhunan, kailangang maging malinaw na walang puwang sa gobyerno ang katiwalian—lalo na sa mga proyektong pinaglalaanan ng buwis ng bayan.






