MUKHANG hindi na aktibo at malamig na ang panawagan ng pamahalaan sa pag-iwas sa paninigarilyo na hindi naman maikakaila na malaki ang panganib na idinudulot sa kalusugan.
Naalala ko tuloy ang epektibong kampanya noon ni dating Health Secretary Dr. Juan Flavier na “Yosi Kadiri” na naging daan pa nga para siya maging bantog at iboto ng mamamayan nang tumakbong senador.
Mabuti na lang ay may mga grupo ng eksperto at tagapagtaguyod ng pag-iwas sa paninigarilyo ang nagsisikap upang maipamalas sa mga Pilipino ang kahalagahang maiwasan ang pinsala sa kalusugan na dulot ng paggamit ng tobacco.
Nito nga lang Miyerkules, nagtipon-tipon ang mga eksperto at consumer advocates ng pag-iwas sa paggamit ng tobacco para sa isang summit na layong itaguyod at protektahang makaiwas sa panganib na dulot ng paggamit ng tobacco o Harm Reduction and Nicotine Summit 2025 na ginanap sa Mandaluyong City.
Mahigit 18,000 na katao pa nga ang lumagda sa isang manipesto ng suporta para sa harm reduction strategy at Smoke-Free Philippines, na layong itaguyod ang mas ligtas, siyentipiko, at makataong alternatibo sa paninigarilyo.
Sa naturang pagpupulong binigyang-diin ng mga tagapagsalita na dapat maging pangunahing prinsipyo ng pampublikong kalusugan ang tobacco harm reduction at ang isang pamamaraan na naglalayong bawasan ang panganib mula sa paninigarilyo ay sa pamamagitan ng paggamit ng non-combustible nicotine products tulad ng e-cigarettes, nicotine pouches, at heated tobacco products.
Marami kasi ang gusto talagang umiwas sa paninigarilyo pero hindi nila ito magawa dahil may epekto rin sa kanilang isipan at kalusugan dahil dumaranas sila ng withdrawal syndrome.
Isa-isang nagbigay ng kanilang komento at nalalaman ang mga eksperto sa panganib na dulot ng paggamit ng tobacco, kabilang dito sina Dr. Lorenzo Mata, pangulo ng Quit for Good, at surgeon na si Dr. Rogelio Varela na ginamit pa bilang modelo ang bansang Sweden na halos smoke-free na.
Nanawagan pa nga si Valera sa mga mambabatas na gawing mas abot-kamay ang mga alternatibong produkto, lalo’t 80% ng mga gumagamit ang nag-ulat ng positibong karanasan.
Batay kasi sa datos, tumaas sa 23.2% ang adult smoking rate noong 2023 mula 18.5% noong 2021 at nalugi rito ang pamahalaan ng ₱40 bilyon dahil sa illegal trade ng sigarilyo at vape mula 2021–2024, patunay ng pangangailangan ng mas matalinong regulasyong batay sa agham.






