ANOMAN ang sabihin ng mga kritiko kay Department of Interior Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr., ginampanan pa rin nito ang tungkulin sa abot ng kanyang makakaya katuwang ang pulisya hinggil sa pagkakahuli kay Kingdom of Jesus Christ Pastor Quiboloy na humaharap sa patong-patong na mga kaso dito sa bansa at Estados Unidos.
Dahil dito, lumabas na walang kinikilingan at walang sinasanto ang pagpapatupad ng batas maging maimpluwensya o ordinaryong mamamayan man.
Batid ng sambayanan na sangkaterbang pananakot ang sinuong ng mga responsable sa naturang operasyon kabilang na sina Secretary Abalos, Philippine National Police chief PGen Rommel Marbil at Police Region 11 director PBGen Nicolas Torre III at iba pang kasapi ng PNP bago pa man naging matagumpay ang pagkaaresto sa alagad ng simbahan at mga kasamahan nito.
Hindi madali sa isang opisyal tulad ni Abalos na banggain ang isang maimpluwensyang tao kagaya ni Pastor Quiboloy na saksakan pa ng milyones na followers at pinuno pa man din ng simbahang marami ang nananampalataya subalit tinibag ito ng kalihim alinsunod sa umiiral na batas.
Hindi ba’t masusing pinagtiyagaang bantayan ng mga pulis ang KOJC compound mula nang ihain ang search warrant at warrant of arrest kay Pastor Quiboloy hanggang sa masakote ito dahil na rin sa ipinakitang katatagan at tibay ng loob ni Abalos bilang kataas-taasang opisyal na taglay ang supervisory power sa hanay ng mga pulis?
Pero sa totoo, tumatalima lang ang pinuno ng DILG sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipatupad ang batas nang walang kinikilingan upang maging salamin sa mata ng taumbayan na sa kasalukuyang administrasyon, patas at parehas ang pagtrato nito mayaman o mahirap ka man.
Sa madali’t sabi, tibay ng dibdib pa rin ang ipinamalas ni Secretary Abalos sampu ng mga kasama nito sa isinagawang matagumpay na operasyon.