Home OPINION NO TO MINING IN NUEVA VIZCAYA

NO TO MINING IN NUEVA VIZCAYA

307
0

MAY nagaganap na protesta ang mamamayan sa komunidad ng mga katutubo ng Bitnong, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya laban sa isang pribadong kompanya na nagnanais magmina sa kanilang lugar. Sumisigaw ang mga mamamayan dito hindi lamang dahil ayaw nila sa planong pagmimina kundi dahil ang mga desisyon ay ginawa nang wala ang kanilang boses at samakatuwid ay hindi sila nakonsulta man lamang.

Sa kasaysayan ng ating bansa ay napakarami ng tala ng naging isyu o usapin sa pagpasok ng mga pribado at dayuhang nagmimina na ang resulta ay pagpapalayas sa mga naninirahang mamamayan sa komunidad at pagkasira ng ating kalikasan dahil lamang sa pagkamal ng limpak-limpak na salapi ng mga pribado at dayuhang kompanyang nagmimina.

Ayon nga sa post ng isang pari sa social media, “Ang ebanghelyo ay nagpapaalala sa atin na ang mga tao ay hindi dapat ihiwalay sa mga desisyon na nakaaapekto sa kanilang buhay. Kapag ang mga mahihirap ay hindi naririnig at ang mga pinuno ay nananatiling tahimik, ang kadiliman ay patuloy na lumalaganap.”

May karapatan ang mamamayan maging ang mga katutubo na magsalita at ipaglaban ang kanilang karapatan sa simple at mapayapang panirahan at kabuhayan.

Misan mapatatanong tayo, na saan ang mga ahensya ng ating gobyerno na dapat sana ay pumapanig sa interes ng mga katutubo, ng mga mamamayan o ng bayan at nagpoprotekta dapat sa ating kalikasan gaya ng National Commission on Indigenous Peoples at Department of Environment & Natural Resources?

Bakit ang ating mga pulis ay kasamang dumarating ng pribado at dayuhang kompanyang magmimina sa lugar at pagkatapos ay silang humihila at umaaresto sa mamamayan at katutubong mapayapang nagpoprotesta?

Ang mga piniling ihalal na mga lingkod-bayan o politiko ng mga mamamayan at katutubo sa kanilang barangay, bayan, distrito at lalawigan o sa bansa ay bakit hindi nagsasalita at hindi naninindigan sa panig nila?

Kung may court decision pa ito ay ang tanong ng marami ay bakit hindi kayang bumoses ng mga lingkod-bayan o politiko para sa mga mamamayan o katutubo na sa kanila ay naghalal na ngayon ay maapektuhan ng planong pagmimina sa kanilang lugar?

Kapag natuloy ang planong pagmimina sa matataas na lugar gaya ng kabundukan ay tiyak na ang pagkasira ng kalikasan kaya kapag dumating ang panahon ng tag-ulan at tag-bagyo ay asahan na ang pagbaha na naman sa mabababa at kapatagang lugar gayong malaganap pa rin ang isyu ngayon ng flood control ghost project sa ating bayan. Tunay ang isinasaad ng isang linya ng awitin na “Ang lahat ng bagay ay magkakaugnay, ay magkakaugnay ang lahat.”

Misan napapaisip tayo na kapag ang mga katutubo at mamamayan ay wala ng makita o maramdamang suporta sa ating gobyerno ay dito na pumapasok sa kanilang kaisipan ang pumanig na lamang sa mga makakaliwang rebelde.

Kaya misan masasabi nating tila ang gobyerno pa yata natin ang nagtutulak sa mamamayan na maging rebelde dahil sa mga ganitong pangyayari ng kapabayaan ng mga nasa kapangyarihan.

Kung ang mahahalal at mamumuno lamang sana sa ating gobyerno ay pawang mga tunay na may pagmamalasakit sa kalikasan, sa mga karapatan, sa mga katutubo at sa mga mamamayan ay malamang na wala na tayong mga kababayan na nag-aarmas doon sa kabundukan. Malamang na makakamit na natin ang tunay na kapayapaan, kaayusan at kaunlaran ng ating minamahal na bansang Pilipinas.

Kaya sa susunod na 2028 wakasan na natin ang pagboto ng presidente, bise presidente at mga senador na paulit-ulit lamang mula sa iisang apelyido o angkan kung saan imbes na unahin ang batayang serbisyo sa mamamayan ay ang gagawin lamang ay paghihiganti sa mga nakalabang politiko o lingkod bayan.

Walang mangyayari at masasayang lamang ang anim na taon na naman kung hindi tayo mamumulat at matututo sa karanasan at kasaysayan ng ating minamahal na bansang Pilipinas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here