Home OPINION NOON PA MAN, TATTOO, BAWAL NA SA PULIS

NOON PA MAN, TATTOO, BAWAL NA SA PULIS

TIYAK na dismayado ang ilang pulis, opisyal man o hindi, sa paalala ng Philippine National Police kaugnay sa pagbabawal sa pagkakaroon ng tattoo ng mga miyembro nito.

Noon pa man kasi ay ipinatutupad na ng PNP lalo na sa recruitment ang pagbabawal sa mga aplikante nang pagkakaroon ng tattoo sa kanilang katawan lalo na kapag nakikita ito.

Kaya nga ang mga aplikante ay ipinabubura ang kanilang tattoo para lang makapasok sa Pamabansang Pulisya subalit kapag pulis na ay tsaka ang mga ito nagpapalagay muli. Kasi nga, hindi naman sila sinisita kapag inspeksyon.

Sa Maynila na lang, isang station commander ang sobrang lalaki ng tattoo sa katawan at kitang kita ito o lumalabas sa kanyang uniporme. Pero dahil naging malakas ito sa kanyang mga naging superior, at kahit sa mga opisyal sa lungsod, kung kaya’t hindi pinapansin ang mga tattoo nitong naglalakihan sa kanyang braso o kamay.

Hindi lang naman itong station commander sa Maynila ang may malalaking tattoo sa katawan dahil maging ang mga alipores nito at maging ang mga pulis sa ibang istasyon ay pawing may mga tattoo na rin na dahilan upang ipagyabang pa nila para nga naman sila katakutan.

Pero anong ipinag-iba nila sa mga kriminal na kanilang hinahabol o tinutugis? Kahit pa sabihin nilang expression of one’s self, artistic side o creative art, nananatiling pangit tingnan ang pulis na may tattoo.

Sabi naman ng ilang pulis na nagpalagay ng tattoo, dapat gastusan daw ng PNP ang pagpapatanggal nila ng tattoo dahil ginastusan nila ito nang kanilang ipalagay. Ha? Ano kamo?

Eh may sayad pala ang mga pulis na iyon! Sa simula pa lang ay batid na naman nilang bawal ang may tattoo sa pulis kaya nga aplikante  pa lang ay sinusuri na silang mabuti. Physical, medical at Neuro-psychiatric ay mahigpit na ang patakaran ng PNP na hindi sila pwedeng makapasok kapag hindi nila naipasa ang mga nasabing test.

Nakapagtataka lang na bakit dumami nang dumami ang mga pulis na may tattoo. Dahil feeling nila, katatakutan sila kapag meron silang malalaking simbolo sa kanilang katawan. Dapat bagsak sila sa neuro kapag ganyan ang katwiran nila.

Upang maipatupad ang kautusan ng PNP kaugnay sa pagbabawal sa tattoo, dapat sa promotion pa lang kapag nag-aaplay ang mga pulis, ma-check kaagad kung mayroon sila nito sa katawan.

Isang paraan ito upang hindi na dumami ang mga pulis na nagpapalagay ng tattoo sa kanilang katawan.