Home ENTERTAINMENT Nova, caregiver sa bedridden na asawa!

Nova, caregiver sa bedridden na asawa!

Manila, Philippines – First time na sinagot ng magaling at beteranang komedyante na si Nova Villa ang matagal nang isyu tungkol sa kanila ng namayapang hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr.

Tahasang sinabi nito sa vlog ni Morly Alinio na walang katotohanan ang alingasngas na may anak sila ni FPJ.

Gayunpaman, inamin niyang malaki ang utang na loob niya kay FPJ dahil ito ang nagbigay sa kanya ng break para makapag-artista.

Katunayan, sa film outfit daw ni FPJ ay marami siyang ginawang pelikula.

Unang role daw niya noon sa bakuran ng FPJ ang papel ng cowgirl.

Sa naturang vlog, isinaad din niya na malaki ang kanyang pasasalamat na sa kanyang edad ay nananatiling aktibo pa rin siya sa showbusiness.

Tatlong lalake raw ang itinuturing niyang importante sa kanyang karera: sina Dolphy, Freddie Webb at Michael V, na higit sa dekada nang nakasama niya sa telebisyon.

Bagama’t pribado ang kanyang buhay, inamin din niyang may non-showbiz husband siyang bedridden na for several years.

Dahil love naman niya ito, isang kasiyahan daw para sa kanya ang mapagsilbihan ito.

Hindi rin din daw siya napapagod na alagaan ito lalo pa’t kasama raw ito sa tungkulin niya bilang maybahay.

Kaya kapag wala siyang trabaho o kaya’y tapos na ang taping o shooting, taong bahay lang daw siya at punong abala sa pag-aasikaso sa mister.

Kuwento pa niya, meron din daw silang isang anak na babae at mga apo na naninirahan na sa ibang bansa. Archie Liao