OCCIDENTAL MINDORO, Philippines – Hindi na kilala bilang “Brown-out Capital ng Pilipinas” ang Occidental Mindoro matapos itong magtala ng pinakamataas na paglago sa ekonomiya sa bansa.
Batay sa 2025 Economic Performance Report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Agosto 28 na ipinadala sa House of Representatives, lumago nang 11.2 porsyento ang ekonomiya ng Occidental Mindoro, nalampasan nito ang pambansang gross domestic product (GDP) growth na nasa 4.4 porsyento.
Ayon kay Occidental Mindoro Rep Leody Tarriela, malayo na ang narating ng lalawigan mula sa mga panahon na madalas at perwisyo ang kawalan ng kuryente sa mga bayan ng Sablayan, Mamburao, Paluan, at Santa Cruz.
Nang hingan ng reaksyon sa naging paglakas ng ekonomiya ng lalawigan, sinabi ni Tarriela na ang tuluyang pagresolba sa matagal nang krisis sa kuryente ang tinukoy nitong pangunahing nagtulak sa pag-asenso ng lokal na ekonomiya, kabilang sa mga hakbang dito ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC), National Electrification Administration (NEA), at National Power Corporation (Napocor), gayundin ang pagtutok sa lokal na distributor na Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) at naging malaking tulong din sa matatag na suplay ng kuryente ang itinatayong 7.4-megawatt solar power plant sa bayan ng San Jose.
Kasabay ng pagtatapos ng problema sa kuryente, bumuhos ang mga pamumuhunan ng pamahalaan at pribadong sektor.
“Sa tulong na ating pambansang pamahalaan, nakapagpagawa tayo ng mga proyektong inprastraktura gaya ng mga kalsada, tulay, ospital, eskuwelahan, pier at iba pa,” ani Tarriela.
Idinagdag pa nito na naging malaking tulong ang pier na nagpabilis sa transportasyon at nagpalago sa turimso.
Gayundin ang mga bagong imprastraktura ay nagbigay daan para sa pag usbong ng mga bagong negosyo sa lalawigan gaya ng cold storage facility, batch mix plants, diagnostic center, at shipyard.
Ayon kay Tarriela, na siya ring chairperson ng House Committee on MSME Development, ang mga hakbang na ito ay lumikha ng mga bagong trabaho, nagpataas sa purchasing power ng mga mamamayan, at nagpasigla sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa lalawigan. Gail Mendoza