Home Uncategorized OFW deployment ban sa Kuwait ‘di pa napagdedesisyunan – DFA

OFW deployment ban sa Kuwait ‘di pa napagdedesisyunan – DFA

MAYNILA – Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Sabado na wala pang desisyon tungkol sa mungkahing deployment ban ng mga manggagawang Pilipino sa Kuwait.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose De Vega, hindi totoo ang ulat mula sa ilang pahayagan sa Kuwait na ipinatupad na ang naturang ban. “Wala tayong ban. Patuloy na pinag-uusapan ng DFA at Department of Migrant Workers (DMW) ang isyung ito,” ani De Vega.

Ipinunto niya na nais ng DFA ang isang permanenteng solusyon kaysa sa pansamantalang hakbang na maaaring bawiin rin agad.

“Kailangan may permanence, na mas malakas ang mga garantiya. Mayroon tayong 2018 agreement, pero sana pagtibayin pa,” dagdag niya.

Posible rin umano ang mas mahigpit na panuntunan sa pagkuha ng mga Pilipinong kasambahay sa Kuwait. Gayunpaman, hindi nagbigay ng pahayag si De Vega kung suportado ba ng DFA ang naturang ban, at sinabing ang desisyon ay nasa DMW.

Ang usapin ay muling naungkat matapos manawagan si Senator Raffy Tulfo ng deployment ban kasunod ng pagkamatay ni Dafnie Nacalaban, isang Pilipinang domestic worker na natagpuan ang bangkay sa bakuran ng kanyang employer sa Kuwait.

Ayon kay Tulfo, kailangang ipatupad ang ban hanggang makapagtakda ang gobyerno ng Pilipinas at Kuwait ng mas mahigpit na mga patakaran para sa mga employer, tulad ng pagsasagawa ng neuro-psychiatric exam, pagsusumite ng police clearance, at patunay ng kakayahang pinansyal. RNT