MAYROON nang 10,000 nagbakwit mula sa Bekaa Valley, south at east Lebanon at mismong mula sa Beirut na kapital ng Lebanon dahil sa pambobomba ng Israel sa mga lugar na ito.
Mahigit dalawang libo na rin ang nasusugatan habang nasa 600 na ang patay.
May 3,000 libong nasugatan at mahigit 40 namatay naman sa mga sumabog na pager at walkie-talkie sa buong Lebanon.
Punuan na ang mga ospital sa mga nasugatan na bulag, naputulan ng mga kamay o paa, napingasan ng mga tainga o iba pang mga bahagi ng katawan.
Hindi lang ‘yan.
May gutom na rin dahil nawala ang lahat ng pinagkakakitaan ng mga bakwit at nabubuhay na lang sila sa rasyon.
WALANG GAANONG BALITA
Wala pa tayong gaanong nababalitaan ukol sa mga Pinoy.
Pero hindi imposible na may nasama sa mga bakwit.
Gayundin sa mga nasugatan…kung wala mang nasawi.
Ang sabi, ilang daan lamang o ilang libo lang ang mga nasa lugar na mapanganib.
Karamihan sa kanila ang malayo sa pook ng mga bakbakan.
Pero gaano tayo katiyak na hindi nadadamay ang karamihan sa nasa 32,000-34,000 Pinoy sa buong Lebanon?
Alalahaning maraming hanapbuhay ang natigil dahil sa digmaan.
At batay rito, tiyak nang may nadamay.
PINAGBABAKWIT NA
Gaya ng gustong mangyari ng pamahalaang Pilipinas, pinagbabakwit na rin ang mga Amerikano at British.
May mga pinakikilos nang pwersa militar ang mga ito para magsagawa ng mga pagbabakwit at nakahanda ang kanilang mga barko na pagsakyan ng mga bakwit.
Lalo na ngayong marami nang eroplano ang tumigil sa pagpasok at paglabas sa nag-iisang paliparan sa Lebanon.
AYAW UMUWI
May malaking problema pala ang pamahalaan sa pagpapauwi o pagbabakwit sa mga Pinoy.
Ayaw umuwi sa Pilipinas ang nakararaming Pinoy sa Lebanon.
Mas gusto nila na magbakwit sa mga lugar lang na sa paniniwala nila, eh, malayo o ligtas sa digmaang Israel at Hezbollah.
Kaya naman, hindi yata uubra ang sapilitan o forced evacuation.
Kaya naman, sumasandig na ang pamahalaan sa mga pamilya-OFW sa Pilipinas na tumulong sa pagkumbinse sa kanilang sariling OFW na umuwi na lang kaysa mapahamak sila sa Lebanon.
Kung iisipin, silang mga OFW ang higit na nakaaalam ang kanilang sari-sariling kalagayan at sila higit ang magpapasya kung lilisan sila o hindi.
Pero hindi kaya pangunahing dahilan ng pag-ayaw nilang umuwi ang kawalan nila ng katiyakan sa pamumuhay sa sarili nating bansa?
Na kapag umuwi sila, hindi sila malalagay sa makataong kalagayan at alanganin ang kanilang pangarap sa mga darating na araw?
DAPAT SILANG MAG-ISIP
Ang mga nasa pamahalaan, dapat mag-isip nang husto.
Bakit nga ba sa ibang bansa umaasa sa buhay ang milyon-milyong mamamayan at hindi sa atin?
Yang mga wala nang ginawa kundi mag-away-away ngayon dahil sa pulitika, pwede ba tumigil na kayo at pagtuunan ng pansin ang mga mamamayan?
Lalo na ang mga korap na dahilan ng pagkawala ng pagkakataon ang mga mamamayan para mamuhay sa makataong kalagayan.