Home NATIONWIDE Online marriage annulment scam pinaiimbestigahan ng SC sa NBI

Online marriage annulment scam pinaiimbestigahan ng SC sa NBI

MANILA, Philippines – Hiniling ng Supreme Court – Office of the Court Administrator (OCAD) sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang nadiskubre nito na social media page na nag-aalok ng 100 porsyento na serbisyo para mapawalang-bisa ang kasal.

Ayon kay court Administrator Raul Villanueva, ipinagmalaki sa social media page ang pagiging lehitimo nito para asikasuhin ang annulment at nullity of marriage.

Nakasaad sa liham ni Villanueva kay NBI Director Medardo De Lemos, na siyasatin ang naturang social media page at ilantad kung sino ang nasa likod ng mapanlokong modus.

Dapat lamang aniya makasuhan kung sino ang mga indibidwal na sangkot sa ilegal na aktibidad.

Ang annulment ay ligal na proseso na nagdedeklara na walang bisa ang kasal habang ang nullity of marriage ay proseso na nagdedeklara na hindi balido ang isang kasal mula sa simula pa lamang.

Ang dalawang proseso ay dumadaan sa korte kung saan isinasagawa ang pagdinig.

Nabatid na lumabas sa advertisment ng Facebook ang alok na annulment at nullity of marriage na hindi kailangan humarap sa korte.

Tinitiyak din sa naturang ads na makukuha ng magkabilang partido ang mga kinakailangan na dokumento gaya ng “Decree of Declaration of Absolute Nullity,” “Entry of Judgment,” at “Marriage Certificate with Annotation of Null and Void.”

Iginiit ni Villanueva na ang naturang advertisement ay isang panloloko para makahiyakat ng mabibiktima na magbayad ng malaki.

Aminado naman ang OCAD na hindi ito ang unang pagkakataon na may ganitong uri ng modus. Teresa Tavares