MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang overstaying American na wanted ng mga pederal na awtoridad ng U.S. dahil sa drug trafficking.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante na si Henry Watkins, kilala rin bilang “Tutu,” isang 51-anyos na American national.
Si Watkins ay inaresto noong Marso 18 sa kanyang tirahan sa Barangay Ubaliw, Polangui, Albay, ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI.
Sinabi ni Viado na ang operasyon ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng U.S., na humingi ng tulong sa BI sa paghahanap at pagpapatapon kay Watkins.
Kinumpirma ng mga awtoridad na si Watkins ay nasa wanted list ng U.S. Drug Enforcement Administration (DEA) dahil sa umano’y kaugnayan niya sa kilalang Sinaloa drug cartel sa Central America.
Isang U.S. District Court sa Northern Iowa ang naglabas ng warrant para sa pag-aresto kat Watkins noong Pebrero 26, dahil sa kasong large-scale drug trafficking at ang pamamahagi ng methamphetamine at heroin.
Si Watkins ay kilala rin sa paggamit ng karahasan para mangolekta ng mga nalikom sa droga at nagsisilbi umanong enforcer para sa ‘Devil’s Disciples’ motorcycle gang sa Chicago, Illinois.
“He will be deported for overstaying and for being an undesirable alien. We cannot allow the Philippines to be used as a sanctuary for foreigners involved in illegal drugs,” ani Viado.
Samantala, iniulat din ng BI-FSU ang pag-aresto sa isang overstaying Egyptian national sa Naga City noong Marso 19. Ang suspek na kinilalang si Bakhit Akram Mnayer Gouda, 37-anyos, ay dinakip sa Barangay Igualdad, Naga City kasunod ng mga reklamong kriminal para sa direktang pag-atake at paninirang-puri laban sa isang pulis.
Isang hiwalay na reklamo ang isinampa laban kay Gouda ng isang lokal na residente para sa mga paglabag sa Safe Spaces Act dahil sa mga di-umano’y imoral na gawain.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI ang kapwa naarestong dayuhan habang nakabinbin ang mga paglilitis sa kanilang deportasyon. JR Reyes