Home NATIONWIDE P105M agri damage naitala sa pagputok ng Kanlaon

P105M agri damage naitala sa pagputok ng Kanlaon

MANILA, Philippines – Umabot na sa mahigit P104 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura dahil sa pagsabog ng Bulkang Kanlaon.

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes, Hunyo 13, na ang halaga ng pinsala sa Region 6 at 7 ay katumbas ng 3,947.27 metric tons ng produksyon.

Nasa 1,706 naman ang bilang ng mga apektadong mangingisda at magsasaka, 135 mula sa Region 6 at 1,571 sa Region 7. Apektado rin ang 842.33 ektarya ng taniman sa nasabing mga rehiyon.

Sa nasabing bilang, 625.85 hectares ang tinukoy na wala nang tsansa na makarekober habang 216.48 ektarya ang may tsansa pa na makarekober mula sa tinamong pinsala.

Samantala, nasa 8,580 ang bilang ng mga apektadong pamilya sa pagputok ng bulkan o 29,739 indibidwal mula sa 25 barangay sa Regions 6 at 7.

Namahagi na ng ayuda ang pamahalaan sa mga apektadong pamilya na nagkakahalaga ng P11,346,626. RNT/JGC