Home OPINION P20/K BIGAS, HINDI KATUPARAN NG PANGAKO

P20/K BIGAS, HINDI KATUPARAN NG PANGAKO

231
0

MAGSIMULA sa Mayo 2, 2025, magbebenta na ang National Food Authority ng bigas na nagkakahalaga ng P20 kada kilo.

Sabi ng ilang taga-Malakanyang, katuparan ito ng pangakong panghalalang presidensyal ni Pangulong Bongbong Marcos noong 2022 at nasa utak ng maraming mamamayan noon na magkakaroon ng magandang ani o produksyon ng palay lalo’t kasabay ng pag-upo ni Pang. Bongbong ang pag-upo niya bilang pinuno rin ng Department of Agriculture.

Pero sa kanyang pag-upo, hindi nagawang pababain ni Pang. Bongbong ang presyo ng bigas hanggang pumalit sa kanya si ngayo’y DA Secretary Francis Tiu Laurel Jr. na mahal na bigas, imported man o lokal, ang sumalubong sa kanya at pamana sa pwesto ng Pangulo.

At sa halos tatlong taon nang pamamahala sa bansa ng administrasyong Marcos, ngayon lang bumaba ang presyo ng bigas, ngunit ‘yun lang ibebenta ng NFA at hindi ang mga bigas ng mga pribadong negosyante ng bigas.

Hindi dapat magsaya nang todo ang mga Pinoy dahil kakaunti lang ang mga kadiwa center at munisipyo at iba pang mga lokal na pamahalaan na nagtitinda nito at nasa 90 porsyento pa rin ng binibiling bigas ang tinda ng mga pribadong negosyante.

Ito’y dahil hanggang 10 porsyento lang ng kabuuang konsumo ng nasa 110 milyong Pinoy ang kayang suplayan ng NFA.

Isa pang hindi dapat ipagsaya ng mga mamamayan ang pahayag mismo ng NFA nang punahin ng Commission on Audit ang lugi nitong P5 bilyon noong 2019-2023.

Para hindi gaanong malugi sa taong 2025, kailangan nang ibenta ng NFA ang 300,000 toneladang laon o malapit nang mabukbok na bigas na nakaimbak sa mga bodega nito.

Ito ang tunay na dahilan ng pagbaba sa P20 kada kilo ng NFA rice at hindi ang pangako ni Pang. Bongbong noong halalang 2022.

Dapat nang ibenta ang 150,000 toneladang mabubukbok nang bigas hanggang Hunyo at ‘yung matitirang 150,000 tonelada, sa Hulyo-Disyembre, 2025.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here