Home OPINION SOBRA NA ANG KARAHASAN

SOBRA NA ANG KARAHASAN

MAY umiiral nga ba talagang gun ban?

E kasi’y tila napakadali na lang ngayon magdala ng mga baril at gamitin sa pagpatay sa kaaway.

At ang pagpatay sa ngayon ay napakabrutal, kahit sa gitna ng kainitan ng araw at maraming taong nakakikita.

Kamakailan sa Antipolo, Rizal, bandang umaga, nakita sa isang video footage ang isang lalaki na naglalakad at pinagbabaril ang isang jeepney driver na nakaupo sa isang lamesa sa Barangay Sta. Cruz.

Ang karahasan gamit ang baril ay naging tampok sa halalan sa bansa. Maging sa halalang pambarangay, ang pagpatay ay ginagamit bilang pinakapangunahing kasangkapan para maalis ang mga karibal sa pulitika.

Noong nakaraang Miyerkules ng gabi, si Mayor Joel Ruma ng bayan ng Rizal ng Cagayan ang pinakabagong pinatay, pinaniniwalaang kaso ng karahasan sa halalan. (Ang pinakahuli at bagong pinaslang gamit ang baril ay si Ang Bumbero Partylist nominee Leninsky Bacud -Ed)

Nasa isang campaign event si Ruma nang siya ay pagbabarilin ng salarin na nananatiling nakalalaya. May tatlong pang nasugatan.

Bukod sa tila napakadali na ang pagdadala ng baril, lumilitaw na ganoon din kadali ang pagkuha ng mga lisensya nito, kahit na para sa mga dayuhan.

Ang Chinese national na inaresto sa pagiging mastermind sa kidnapping at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at driver na si Armanie Pabillo ay lumabas na may valid gun license na may 10 taong validity. Nagmamay-ari si David Tan Liao ng pitong baril, batay sa talaan ng Firearms and Explosive Office o FEO ng Philippine National Police.

Nakuha ni Tan Liao ang mga lisensya ng baril gamit ang iba’t ibang pangalan. Ito ay seryoso ring alalahanin tungkol sa opisyal na dokumentasyon ng mga dayuhan sa bansa.

Paano nakakukuha ng baril ang mga dayuhan sa Pilipinas? Ang ilang kaso ay nagpakita ng mga baril na ibinebenta sa mga sibilyan ng mga tauhan ng PNP at militar. Ang mga boss ng POGO ay nagtatamasa rin ng proteksyon mula sa mga pwersang panseguridad ng Pilipinas, kabilang ang mga miyembro ng elite na Philippine National Police Special Action Force.

Habang ang mga ordinaryong sibilyang Pilipino ay limitado lamang sa isang hand gun at ang proseso ng pagkuha ng lisensya ay paligoy-ligoy o pahirapan pa.

Dapat itong mag-udyok sa PNP na suriing mabuti ang mga pamamaraan maging ang mga tauhan sa FEO. Ang ibang ahensya naman ay dapat kumilos upang ang mga butas na nagbigay-daan sa paglaganap ng mga baril na nakamamatay ay matakpan na.

Dapat ding kumilos ang PNP para higpitan ang mga checkpoint. Nagmumukha kasing walang silbi ang gun ban dahil sa mga brutal na karahasan na nangyayari sa ngayon.