Home NATIONWIDE P358M pekeng sigarilyo nasamsam sa raid sa Cavite

P358M pekeng sigarilyo nasamsam sa raid sa Cavite

MANILA, Philippines – Aabot sa 3.12 milyong pakete ng pekeng sigarilyo ang nasamsam sa isinagawang mga raid sa Dasmarinas City at Indang, Cavite.

Aabot sa P358 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang pekeng sigarilyo sa mga operasyon.

Pinangunahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at National Bureau of Investigation (NBI) ang raid na nagresulta sa pagkakakumpiska ng walong illegal cigarette manufacturing at packaging machines.

Sa warehouse sa Dasmarinas, nadiskubre ng mga awtoridad ang 1.6 milyong pack ng illegal na sigarilyo na nagkakahalaga ng P184.6 milyon, habang nasa 1.1 milyong packs naman ang nakuha sa factory sa Indang. Nagkakahalaga naman ito ng P126.6 milyon.

Samantala, nakadiskubre rin ng 408,000 packs ng pekeng sigarilyo sa isa pang pasilidad sa Dasmarinas City na nagkakahalaga ng P46.76 milyon.

Tinatayang kabuuang P200 milyon ang potential revenue loss dahil sa mga ito.

Kayang makagawa ng 175 packs kada oras ang bawat production line, O 43.7 milyong packs taon-taon, dahilan para mawalan ng P2.7 bilyon na kita sa excise tax ang pamahalaan.

Kabilang sa mga nasamsam na brand ng sigarilyo ay ang Carnival, HP, Troy, Cannon, Victor Agila, New Orleans, Two Moon, at Fort, na hindi rehistrado sa BIR at kulang ng tax stamps o mandated health warnings.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang mga nilusob na warehouse, kung saan 12 Chinese nationals umano ang sangkot sa operasyon nito. RNT/JGC

Previous article130K pasahero naitala sa PITX nitong Biyernes
Next articleKaso ng HIV sa bansa posibleng pumalo ng 500K sa loob ng 6 na taon – DOH