Home METRO P4.08-M droga nasabat sa 3 durugista

P4.08-M droga nasabat sa 3 durugista

BACOLOD CITY – Nakumpiska ng awtoridad ang 600 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P4.08 milyon at timbog din ang tatlong suspek sa ikinasang drug bust operation sa Kabankalan City, Negros Occidental, nitong Lunes ng umaga, Pebrero 13.

Kinilala ang mga suspek na sina Lykey “Mikel” Sania Vina, 38; Hamid Rahim Sanggacala, 19; at Cherry “Ayna” Balos Tuazon, 35, pawang residente ng Barangay Sta. Elena, Iligan City, Lanao Del Norte.

Pinangunahan ng mga operatiba ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) Special Operations Unit – Western Visayas sa pamumuno ni Kapitan Rosalino Pugoy Jr. ang operasyon dakong alas-7:40 ng umaga sa isang meet-up sa Hacienda San Lucas, Barangay Hilamonan.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Lt. Col. Roberto Indiape Jr., hepe ng Kabankalan City Police Station, na matagal nang binabantayan ng PDEG ang aktibidad ng mga suspek.

Sinabi ni Indiape na bumiyahe ang mga suspek mula Bacolod patungong Kabankalan para makipagkita sa kanilang contact.

Nasukol ang mga suspek matapos na makapagbenta ng P111,000 na halaga ng droga sa isang undercover na pulis.

Sa kanilang pag-aresto, narekober ng mga operatiba sa kanilang possession ang limang big knot-tied plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 600 gramo na nagkakahalaga ng PHP6,800 kada gramo.

Nasa kustodiya na ngayon ng Kabankalan City Police Station ang mga suspek. Santi Celario

Previous articleKorean nat’l hinigop ng dagat sa Cebu
Next articlePinas sumangguni na sa Japan sa hoax bomb threats