Home METRO P43K shabu nasabat sa tindero sa Pasay

P43K shabu nasabat sa tindero sa Pasay

MANILA, Philippines – Nadakip ng mga miyembro ng Pasay City police Substation 7 Maricaban ang isang tindero sa pagsasagawa ng Oplan Galugad operations Martes ng umaga, Mayo 21.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. ang inarestong suspect na si alyas Mart, 25, residente ng No. 175 Saint Elena St. Barangay 186, Maricaban, Pasay City.

Base sa report na natanggap ni Mayames, nadakip ang suspect dakong alas 3:30 ng madaling araw ng mga tauhan ng Substation 7 Maricaban sa Saint Elena St. Barangay 186, Maricaban, Pasay City.

Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng suspect ang 15 plastic sachets na naglalaman ng 6.68 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P43,420.

Ayon kay Mayames, ang patuloy na pagsisikap ng kanyang mga tauhan sa pagsugpo ng ilegal na droga ay nagsisilbing testamento ng kanilang dedikasyon sa pagbibigay serbisyo publiko upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng bawat mamamayan sa lungsod.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police ang suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan