MANILA, Philippines – Ibinulgar ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi tinalakay sa bicameral conference committee ang P450 bilyong itinaas na pondo sa unprogrammed funds na nakatakda sa final version ng 2024 General Appropriations Bill (GAB).
Sa virtual interview, sinabi ni Dela Rosa na nalaman lamang niya ang hinggil sa naturang dambuhalang pondo ng unprogrammed funds nang kuwestiyunin ito ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa ratipikasyon ng GAB sa Senado.
“During the bicam, wala akong knowledge tungkol dyan kasi hindi naman yan diniscuss nung final day ng [bicameral conference committee meeting] namin,” ayon kay Dela Rosa.
Sa unang araw ng bicameral conference committee meeting sa disagreeing provisions ng 2024 GAB, inatasan ng bicameral conference committee sina Senate Finance Committee chairman Sonny Angara at House Appropriations Committee chairman Elizaldy Co na pagkaisahin ang di nagtutugmang probisyon sa magkahiwalay na budget versions ng Senado at Mababang Kapulungan.
Pinaboran din ni Dela Rosa ang pananaw ng kasamahan na mapopondohan lamang ang proyekto sa ilalim ng unprogrammed funds kung may makokolektang sobrang buwis o may bagong utang ang gobyerno.
Pero, inihayag ni Pimentel na kanyang kukuwestiyunin sa Supreme Court ang naturang isyu sa unprogrammed funds na kanyang sinuri nang mabuti.
Nitong Disyembre 2023, itinuring ni Pimentel na unconstitutional ang 2024 General Appropriations Bill matapos palobohin ng bicameral conference committee unprogrammed appropriations ng P450 billion.
Ayon kay Pimentel, nilabag ng bicameral conference committee ang Article VI, Section 25(1) of the 1987 Constitution nang itaas sa halagang P450 bilyon ang orihinal na 2024 budget dahil lalampasin nito ang P5.768 trillion national budget na ipinanukala ng Executive Department
“Article VI, Section 25(1) of the 1987 Constitution states that “Congress may not increase the appropriations recommended by the President for the operation of the Government as specified in the budget. The form, content, and manner of preparation of the budget shall be prescribed by law,” ayon kay Pimentel noon.
Binatikos din ni Albay Rep. Edcel Lagman ang pagtaass ng unprogrammed appropriations kada taon upang pondohan ang pet projects ng ilang kongresista at senador.
Naunang iginiit ni Angara, co-chairman ng bicameral conference committee, na alinsunod sa Saligang Batas ang final version ng 2024 national budget bill, na nilagdaan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kamakailan. Ernie Reyes