Home NATIONWIDE P45M shabu galing South Africa nasabat sa NAIA

P45M shabu galing South Africa nasabat sa NAIA

MANILA Philippines – HINDI nakalusot sa pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang shabu na nagkakahalaga ng P45,900,000 sa NAIA Complex sa Pasay City, kaninang umaga.

Sa ulat ng PDEA, bandang alas-11:30 ng umaga (August 2), nang madiskubre ang inabandonang parsela sa PAIR-PAGS Center, at nang mabuksan ay nadiskubre ang higit o mas mababa sa 6,750 gramo ng white crystalline substance na pinaghihinalaang Methamphetamine Hydrochloride o shabu na nakatago sa foil pack ng mani.

Agad na sinamsam ang parsela na may airway bill no. 176-57120103 na idineklara bilang “African Cultura” na ipinadala ng isang Michael Mobida ng No. 28 Krombek Street, Van Reibeeck BIR, Kempton Park, Johannesburg, South Africa na naka-consign kay Wilbert Dee ng 289 E Rodriguez, SR Avenue, Cathedra, Manila.

Kabilang sa mga nasamsam ang isang foil bubble wrap na naglalaman ng bundle ng sari-saring tela na placemats, pillow case, at kumot; anim na plastic na supot ng mga mani; tatlong plastic pouch ng pumpkin seeds; at anim na foil pack na may label na JUMBO PEANUTS bawat isa na naglalaman ng mga plastic bag ng puting crystalline substance.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng PDEA habang patuloy na tinutugis ang pinadalhan ng abandonadong parsela. Jan Sinocruz