MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang P50 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor na magsisimula sa susunod na buwan.
Nilagdaan ni Chief Minister Abdulraof Macacua ang Wage Order No. BARMM-04 noong Hunyo 26, 2025, at sinabing isinasaalang-alang nito ang pangangailangan ng mga manggagawa at kakayahan ng mga employer.
Ayon kay Labor Minister Muslimin Sema, na namumuno rin sa Bangsamoro Tripartite Wages and Productivity Board (BTWPB), saklaw ng kautusan ang buong rehiyon maliban sa mga household workers at microenterprises na may exemption. “Ang pagpirma sa wage order ay sumasalamin sa bunga ng peace process,” ani Sema.
Tugon ito sa epekto ng inflation at panawagan para sa makabubuhay na sahod. Sa Cotabato City, tataas sa PHP411 ang sahod ng mga non-agricultural workers mula sa PHP361, habang ang agricultural workers ay makakatanggap na ng P386 mula sa PHP336.
Sa ibang probinsya at lungsod ng BARMM, magiging PHP386 ang sahod ng mga non-agricultural workers at PHP376 para sa mga nasa agrikultura. Sa Special Geographic Areas (SGA), tataas sa P391 ang sahod ng non-agricultural workers at P366 para sa agricultural at retail workers mula sa dating P316.
Ang wage order ay binuo sa pamamagitan ng konsultasyon, socio-economic assessment, at deliberasyon ng BTWPB. RNT