MANILA, Philippines – Ayon sa Department of Finance, nakakuha ito ng P8.2-bilyong pautang mula sa Japan International Cooperation Agency para pondohan ang rehabilitasyon at pagpapalawak ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Saklaw ng loan ang pag-aayos at pag-upgrade ng lahat ng bahagi ng sistema, kabilang ang riles, signaling, power supply, overhead lines, communications, at kagamitan sa mga istasyon. Kasama rin sa proyekto ang paglilipat sa four-car trains, na magdadagdag ng 394 pasahero kada biyahe upang mapababa ang oras ng paghihintay sa peak hours.
Ani DOF Secretary Benjamin Diokno: “Mas kaunti ang delay, mas maikling oras ng paghihintay, at mas komportableng biyahe para sa mga pasahero.”
Ayon kay JICA chief representative Baba Takashi, ang proyekto ay patunay ng matibay na partnership ng Japan at Pilipinas sa pagbibigay ng ligtas at de-kalidad na transportasyon.
Noong 2025, umabot sa 141.63 milyong pasahero ang MRT-3, 4.2% na pagtaas mula 135.89 milyon noong 2024, na unang beses na lumampas sa 140 milyon mula noong 2017. RNT/MND