Home OPINION PAALAM AT MARAMING SALAMAT, UNDERSECRETARY MARTIN DIÑO

PAALAM AT MARAMING SALAMAT, UNDERSECRETARY MARTIN DIÑO

ANG inyong Agarang Serbisyo Lady ay nagpapahatid ng pakikiramay at pag-aalay ng panalangin para sa aking kaibigan at partner dito sa programa na si dating DILG o Department of the Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño na namayapa na nitong August 8, 2023.

Si USEC Diño ay nakasama ng inyong lingkod sa mga               unang taon ng programang “Health & Travel @ Serbisyo Publiko” noong 2009 hanggang 2010 sa segment na “Modus Operandi” kung saan ay matapang niyang binubuko ang mga pamamaraan ng panloloko sa ating mga kababayan.

Napabantog ang pangalan ni USEC Diño nang manindigan pabor sa muling pagbabalik ng bitay sa pamamagitan ng lethal injection noong Estrada administration. Hindi naglaon ay napabilang siya sa VACC o ang Volunteers Against Crime and Corruption, isang grupo ng mga pamilya o kaanak na karumal-dumal na pinaslang ang mga mahal sa buhay.

Muling umingay ang kanyang pangalan matapos na tumakbo bilang Pangulo ng bansa noong 2016 sa ilalim ng partidong PDP Laban. Pinalitan siya ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at naganap na nga ang kasaysayan.

Itinalaga siyang chairperson ng Subic Bay Metropolitan Authority at hindi nagtagal ay bilang pangalawang kalihim ng DILG na ang pangunahing naging mandato ay sa Barangay affairs.

Inikot ni USEC Diño ang buong Pilipinas para kausapin ang mga Barangay at alamin ang kanilang mga pinagdaraanan at mga sitwasyon.

Maaalala natin siya bilang likas na makuwento, kapag nagsimula na siyang magsalita, napakahirap nang putulin kaya sa programa noong panahon ng pandemya ay madalas tayong overtime.

Pero punom-puno ng karunungan ang kanyang mga sinasabi, base sa naririnig niya buhat sa ibaba, aktuwal na mga nangyayari at kanyang mga karanasan bilang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga naaapi, at bilang minsan ay naging isang punong barangay din.

Hinding-hindi ko malilimutan ang inyong mainit na pakikipagkaibigan at kababaang-loob. Maraming salamat sa lahat.