Home OPINION PAANO TAYO BINAGO NG TEKNOLOHIYA AT KULTURA?

PAANO TAYO BINAGO NG TEKNOLOHIYA AT KULTURA?

1
0

SA unang bahagi ng ating pagbabalik-tanaw, ating binuksan ang mga alaala ng mas simpleng
pamumuhay: ang pamasaheng sampung sentimos, ang barakong kape, at ang mainit na taho sa
sarili nating mga baso. Ngunit kung may isang larangan kung saan pinakamabilis at
pinakamalaki ang naging pagbabago sa ating lipunan, ito ay sa paraan ng ating komunikasyon,
balita, at pang-araw-araw na gawi. Isipin na lamang natin: mula sa manual typewriter na
kailangan pa ng carbon paper at matinding tiyaga dahil walang delete button kapag nagkamali,
ngayon ay isang pindot na lamang sa cellphone o laptop upang makapagsulat at makipag-
ugnayan sa buong mundo.

Napakalayo na talaga ng ating narating pagdating sa ebolusyon ng ating pamumuhay. Noon,
kailangang tandaan ang anim na numero ng telepono, makisalo sa party line, o maghintay ng
halos ilang taon bago makabitan ng linya ng PLDT. Ngayon, hawak na natin ang mga
smartphone para sa instant messaging, video call, at social media.

Kung dati ay umaasa tayo sa Jingle Magazine at Songhits para makasabay sa paboritong kanta,
ngayon ay may streaming apps at online video na. Ang pamimili na ginagawa noon sa Syvels Escolta,
Arcegas, at GoodEarth Emporium ay pinalitan na ng malalaking mall at online shopping delivery apps. Pati
ang pakikinig ng balita kay Ka Paeng Yabut sa radyo ay pinalitan na ng mga real-time weather
apps at social media alerts, habang ang dating Highway 54 na kilala na ngayong EDSA ay saksi sa
pagbabago ng ekonomiya mula sa palitang apat na piso kada dolyar hanggang sa kasalukuyang
pamumuhay.

Kapag pinag-uusapan ang "noon" at "ngayon," hindi ibig sabihin na mas maganda ang lahat
noong araw o mas perpekto ang lahat sa kasalukuyan. Noon, mas simple at mabagal ang takbo
ng buhay. Limitado man ang teknolohiya, mas malalim at mas personal naman ang ugnayan ng
pamilya at magkakaibigan.

Ngayon, napabilis at napadali ng makabagong panahon ang lahat ng bagay. Ngunit kasabay ng
kaginhawahang ito ang mga bagong hamon tulad ng screen dependence, information overload,
at kawalan ng oras sa totoong pakikipagkapwa.

Ang pinakamagandang hakbang para sa atin ay pagsamahin ang pinakamahusay sa dalawang
panahon: bitbitin natin ang disiplina, pagtitiyaga, at malasakit mula sa nakaraan, at gamitin ang
teknolohiya at convenience ng kasalukuyan para sa mas maayos at makabuluhang buhay.

Mga Ka-Serbisyo, sa mabilis na pagtakbo ng mundo, ano ang pinakanakakamiss mo? ang party
line, ang barakong kape sa umaga, ang pagbabasa ng Songhits, o ang panahong ang bente piso
ay parang marami ka nang nabili sa grocery? Ibahagi ang inyong mga alaala!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here