Home OPINION PABAYANG OPISYAL NG BARANGAY, DAPAT SUSPENDIHIN AT KASUHAN

PABAYANG OPISYAL NG BARANGAY, DAPAT SUSPENDIHIN AT KASUHAN

SA susunod na buwan ay sisimulan na ng Department of Public Works and Highways ang malawakang pagkukumpuni sa kahabaan ng EDSA na tiyak na lilikha ng napakatinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa naturang pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Kahit utay-utayin ng DPWH ang pagkukumpuni sa pamamagitan ng pagsisimula muna sa southbound lane ng EDSA, tiyak na apektado pa rin talaga ang mga motorista dahil hindi maiiwasan na lilikha talaga ito ng napakasikip na daloy ng trapiko.

Hindi kasi pwedeng ipagpaliban muli ang pagkukumpuni sa EDSA dahil kailangan itong matapos sa susunod na taon upang maihabol sa gaganaping Association of Southeast Asian Nations Summit kung saan ang Pilipinas ang magsisilbing punong-abala.

Kaya lang, sabi ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Atty. Don Artes, malamang na magkaproblema sa target na petsa ng pagtatapos ng rehabilitasyon kapag muling nasabay sa pagkukumpuni naman ng drainage system dahil batid naman na binabaha ang EDSA kapag malakas ang buhos ng ulan.

Bukod pa rito ang ilang problemang umusbong tulad ng mga naranasan nila na tinatamaan ang mga linya ng tubig at telcos kapag naghukay na ang mga contractor kaya naantala dahil kailangang ayusin muna ng public utilities ang tatamaan nilang linya ng tubig at telcos.

Kaya nga ngayon pa lang, puspusan na ang ginagawang clearing operation ng mga tauhan ng Special Operations Group-Strike Force na pinamumunuan ni Gabriel Go sa mga Mabuhay Lanes at iba pang secondary roads na nagsisilbing alternatibong daan para hindi sa EDSA lang magsiksikan ang mga sasakyan.

Kaya lang, ang problema noon ng MMDA sa panahon pa ng ilang mga naging Chairman at mga naging hepe ng Task Force na naatasang magsagawa ng clearing operation, ay problema pa rin hanggang ngayon.

Yun bang kapag nagsagawa sila ng clearing operation, malinis talaga ang lansangan, pero kapag umalis na ang MMDA, balik na naman sa illegal parking, illegal vending, illegal terminal ng mga tricycle at pampublikong sasakyan, at iba pang kuyagot sa lansangan.

Ang ginagawa na lang ngayon ng MMDA, magpahihiwatig sila sa mga nalinis na nilang lansangan na babalik sila, kahit hindi naman, upang magkusang alisin ng mga pasaway na motorista ang iligal na pagparada, gayundin ang iba pang sagabal na mabilis namang nagagawa kapag kumilos ang opisyal ng barangay.

Ang problema kasi sa maraming barangay officials, hinahayaan nila ang illegal parking at illegal terminal sa kanilang nasasakupang secondary roads dahil kung hindi man sila “patong” sa mga ito, sila rin mismo ang gumagamit sa lansangan at bangketa para sa extension ng kanilang negosyo o sasakyan nila ang mga nakaparada rito.

Sa ngayon kasi, hindi muna maaasahan ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng sarili nilang clearing operation dahil kapag ginawa nila ito, tiyak na maraming magagalit sa nakaupong alkalde na makaaapekto sa kanilang re-election bid.

Kaya mga Kabesa ng barangay na lang talaga ang aasahan ng MMDA para mapanatiling malinis at maluwag ang mga Mabuhay Lanes at iba pang secondary roads dahil hindi naman kaya ng ahensya na araw-arawing bumalik sa mga nalinis na nilang lansangan dahil sa dami ng kalyeng kailangan nilang linisin.

Ang pwede sigurong solusyon dito para tumulong at kumilos ang mga barangay chairman sa paglilinis sa kanilang nasasakupang lugar ay ang magpalabas ng kautusan si Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na patawan ng suspensyon o pagkakasibak sa puwesto ang mga malatuba at masibang barangay chairman na ang iniisip lang ay kumita sa halip na maglingkod.