MANILA, Philippines – Binigyan ni Senator Robinhood Padilla ng bagsak na grado ang administrasyong Marcos sa pagtugon nito sa mga umano’y anomalya sa flood control, dahil patuloy pa rin umano ang pagbaha at kakaunti pa lamang ang nakukulong kaugnay ng kontrobersiya.
“Two [ang binibigay kong grado.” Eh baha pa eh. Wala pa naman ako nakita masyadong nakulong diyan,” sinabi ni Padilla sa isang radio interview.
Ayon kay Padilla, dapat imbestigahan ang lahat ng sangkot at hindi maging pili o pulitikal ang pagsisiyasat.
“Napakadaming listahan niyan. Unang una ang tingin ko diyan pulitika. Ang tingin ko diyan sa pagkakakulong nung mga ‘yun Sen. Jinggoy Estrada at dating Sen. Bong Revilla] ay pulitika,” sinabi niya.
“Imbestigahan lahat. Huwag tayong mamili. Huwag tayo maging pulitikal. Ang ating bayan ay ipinaglaban ng mga bayani natin para magkaroon tayo ng hustisya, nasaan ‘yun?” dagdag niya.
Nanawagan din si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na pangalanan, kasuhan at ikulong ang iba pang sangkot sa flood control controversy.
“Ang gusto kong marinig, kung ano ‘yung sagot na dun sa nasabing ‘mahiya naman kayo.’ Sana mayroon na talagang mapangalanan,” sinabi ni Ejercito, na half-brother ni Estrada.
“Sana madagdagan pa [ang mga makakasuhan kaugnay sa flood control scam]. Sa akin, dapat panagutin at dalhin sa kulungan ang lahat ng nagwaldas at nagbulsa ng pondong inilaan sa flood control,” dagdag niya.
Bago ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni Padilla na inaasahan niyang tatalakayin ng Pangulo ang tugon ng pamahalaan sa El Niño, ang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at ang relasyon ng Pilipinas at China.
Sinabi rin niyang dapat talakayin ng Legislative-Executive Development Advisory Council ang Freedom of Information measure at panukalang ipagbawal sa mga edad 16 pababa ang paggamit ng social media. RNT