MANILA, Philippines – Itinanggi ng Bureau of Immigration (BI) nitong Lunes, Agosto 26 na may planong itago ang pag-alis ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa bansa, sabay sabing natanggap lamang nito ang impormasyon sa kanyang pag-alis ngayong buwan.
Sa panayam, tinanong si Immigration spokesperson Dana Sandoval tungkol sa isang senador na nagsasabing may ilang ahensya ng pamahalaan umano ang may impormasyon sa pag-alis ni Guo sa bansa ngunit nananatiling tahimik tungkol dito.
“There was no intent po to hide the information. Actually, natanggap lang po natin ‘yung information na ‘yun… nung nakaraang linggo. The week before last week,” ani Sandoval.
Noong nakaraang lingo, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na posibleng nagsabwatan umano ang ilang ahensya ng pamahalaan para itago ang pagtakas ni Guo sa kabila ng Immigration Lookout Bulletin (ILBO) na inisyu laban sa kanya.
Inaatasan ng ILBO ang Immigration officers na alertuhin ang mga awtoridad kung may tangkang pag-alis ng bansa.
Sa kabila nito, wala namang pinangalanang ahensya ng pamahalaan si Gatchalian.
Samantala, sinabi ni Sandoval sa isang forum na nasa Vietnam si Immigration Commissioner Norman Tansingco para sa ASEAN meeting nang matanggap ang impormasyon na may ticket pabalik ng Pilipinas mula Singapore ang grupo ni Guo.
Ani Sandoval, ipinagtaka nila at nagging dahilan para imbestigahan nila, kung bakit may return ticket si Guo gayong sa kanilang record ay nakikita nilang nasa bansa pa rin ito.
Dito na umano sila nakatanggap ng kumpirmasyon na si Guo ay dumating sa Malaysia at Singapore.
“Very conflicting po ‘yung mga information na natanggap ng ating ahensya kaya minarapat po muna ng ating liderato from other reliable sources itong mga impormasyon na ito,” ani Sandoval. RNT/JGC