SI Senator Bong Go,kasama si Vice President Sara Duterte, nang dumating sila sa Villamor Airbase para alamin ang kalagayan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ngunit nabigo silang makapasok.
MANILA, Philippines – Mariing kinondena ni Senador Christopher “Bong” Go ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at tinawag niya itong pag-atake sa soberanya ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni Go na ang mga legal na institusyon ng bansa ay may kakayahang pangasiwaan ang mga domestic matter at walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa internal affairs ng bansa.
“Ang pagpapalabas ng warrant of arrest ng ICC ay isang pagsuway sa soberanya ng Pilipinas. Gaya ng inulit ko noon, hindi dapat panghimasukan ng ICC ang ating domestic affairs. At iyan ay dahil, bukod sa hindi na tayo miyembro ng ICC, ang ating mga domestic court ay nananatiling fully operational at independent.
“Katunayan, may mga kasong naisampa na. May mga imbestigasyong isinagawa din ang Executive at Kongreso. Sabi nga ng dating Pangulo, handa naman siyang harapin ang anumang asunto laban sa kanya basta kapwa niya Pilipino ang maghuhusga sa kanya.”
“Ipinauubaya namin sa mga abogado ni FPRRD na maghain ng nararapat na legal remedy sa Korte Suprema,” sabi ni Go.
Nababahala si Senador Go sa kalagayan ni Duterte dahil sa kanyang edad.
“At bilang matagal na nanilbihan sa dating Pangulo, ipinangako ko sa kanya na hindi ko siya pababayaan, lalo na pagdating sa kanyang kalusugan.
“Ilang araw na lang ay 80 years old na si Tatay Digong. Marami na rin siyang karamdaman na iniinda dulot ng edad,” anang pa ng senador.
Ipinagtanggol ng senadora ang legasiya ni Duterte, partikular ang kampanya nito laban sa iligal na droga, at iginiit na ang mamamayang Pilipino—hindi mga dayuhang entity—ang magpapasiya kung epektibo ang mga patakaran ng dating Pangulo.
Sinabi ni Go na matagal nang lumipas ang mga araw kung kailan kailangang diktahan ng mga dayuhan kung paano natin pinatatakbo ang ating mga panloob na gawain.
Ang mga Pilipino aniya ay dapat hatulan ng kapwa Pilipino sa harap ng mga korte ng Pilipinas na kumikilos sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas.
Sa huli, hinimok ni Senador Go ang publiko na manatiling kalmado at hayaang matuloy ang proseso ng batas.
“At sa ating mga kababayan, umaapela ako na maging mahinahon tayo. Ayaw nating magkagulo dahil ang kawawa dito ay ang mga Pilipino. Hayaan natin ang mga legal na proseso na gumulong, basta kung ano lang ang tama at legal ayon sa mga batas ng Pilipinas. Mangyaring ipagdasal ang kaligtasan at kalusugan ni Tatay Digong.”
Si Senador Go ay dumating sa Villamor Air Base kamakalawa, kung saan pinigil si Duterte, ngunit hindi siya pinapasok para lamang matiyak na ang dating Pangulo ay nakatatanggap ng tamang medikal na atensyon.
Bagama’t dismayado, batid ni Senator Go na ang mga tauhan ng militar na nakatalaga sa pasilidad ay sumusunod lamang sa utos.
Sa gitna naman ng pagkakahati-hati ng taumbayan dahil sa sitwasyon, nanawagan si Go ng pagkakaisa tungo sa halip na palalimin ang mga tunggalian sa pulitika.
“Huminahon tayong lahat and praying for peace and unity para naman po makatrabaho na tayo. Kawawa ‘yung Pilipino kapag ganitong nagkakagulo. Too much struggle na po sa Pilipino ito. It will be too hard, magiging divisive po dito,” ani Go. RNT