MANILA, Philippines- Nanawagan ang National Food Authority (NFA) sa mga mangangalakal at negosyante na huwag baratin o binabarat ang mga magsasaka sa pagbili ng palay o unmilled rice sa mababang presyo.
Sinabi ni NFA administrator Larry Lacson na may na-monitor ang NFA na mga lugar kung saan ang mga mangangalakal ay bumibili ng palay mula sa mga magsasaka sa halagang P11.50 per kilo, may 32 iba pang lugar kung saan ang buying prices ay P13 hanggang P15 per kilo.
“’Pag nakikita ko ‘yan nalulungkot ako dahil ang puhunan P12 to P14 (per kilo) tapos bibilhin nila P13 (per kilo). In fact ngayon may namomonitor na tayo P11.50 (per kilo) so sabi ko kawawa naman,” ang sinabi ni Lacson sa isang panayam.
Base sa NFA’s Palay Procurement Activity na may petsang April 18, 2024, bumili ang ahensya ng malinis at tuyong palay sa presyong P23 hanggang P30 kada kilo, habang ang sariwa at basang palay ay P17 hanggang P23 kada kilo.
Ang itinurong dahilan ni Lacson sa mababang ‘buying price’ ng palay sa traders ay ang mga magsasaka na pumapayag na binabarat ang kanilang presyo at ang pandaigdigang pagbaba sa presyo ng bigas.
“Ang mga dahilan, marami. Unang una, siyempre mga trader, alam nila walang pagpupuntahan ang magsasaka eh puno ang bodega ng NFA. Sasabihin nila ‘Eh wala naman kayong pagbibilhan, puno ang bodega ng NFA. Bilhin ko na lang ng ganito’,” ang sinabi ni Lacson.
“Pangalawa, you cannot deny the fact that ang world prices po ng rice medyo mababa, bagsak po, so ang millers, sumusunod po ‘yan sa presyo ng bigas sa pandaigdigan, so lahat na po ‘yan kabit kabit, pero panawagan lang, hindi naman sila masyadong binabarat,” dagdag niya.
Sa kabilang dako, bumili na aniya ang NFA ng 4.6 milyong sako ng bigas, mas mataas kaysa sa 3.6 milyong target ng ahensya, plano pa ng ahensya ng bumili pa ng mas marami.
Upang matugunan ang mababang presyo ng palay, sinabi ni Lacson na binuksan na ng NFA ang mga bodega kung saan ang mga bagong biniling palay mula sa mga magsasaka ay nakaimbak.
Pabibilisin din nito ang pagtatayo at pagkukumpuni ng 134 mga bodega sa iba’t ibang panig ng bansa para itaas ang pag-iimbak sa 800,000 metric tons (MT) sa 2028.
Samantala, bumili naman ang ahensya ng 14 trucks na ide-deploy sa mga lugar na may mababang buying prices ng palay, at kumuha ng stocks mula sa mga magsasaka na dadalhin sa mga bodega na may kapasidad. Plano rin nito na bumili ng 90 trucks ngayong taon, at may kabuuang 600 trucks sa 2028.
“For now lahat ng pamamaraan ay ginagawa natin para makuha po natin ‘yung palay ng mga magsasaka kung saan napakababa po ang presyo ng palay,” ang sinabi ni Lacson. Kris Jose