MANILA, Philippines – Ang pagbaba ng trust at approval ratings ni Vice President Sara Duterte ay maaaring may kaugnayan sa kanyang hindi pagsagot sa mga tanong sa imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa paggamit ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) nang siya ay kalihim pa nito, ayon sa isang mambabatas nitong Lunes, Nobyembre 4.
“Yes, of course! Kasi nga tinatago niya ‘yung mga tinatanong sa kanya, hindi lang ng mga congressman kundi ng taumbayan. Ibig sabihin, ‘pag patuloy kang nagtatago at patuloy mong hindi sinasagot ‘yung mga tanong na dapat mong sagutin, talagang bababa ang rating mo dahil paano ka pagkakatiwalaan ng ating mga kapwa Pilipino kung hindi mo sinasagot ‘yung mga tinatanong sa ‘yo?” ani TVP Party-list Representative Jose “Bong” Teves Jr.
Ang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa paggamit ng OVP at DepEd ng kanilang confidential at intelligence funds ay magpapatuloy bukas ng umaga.
“Siyempre ‘yung tinatanong natin — saan napupunta ‘yung confidential fund niya, na hindi niya masagot-sagot na 11 days, naubos ‘yung P11 milllion. At ‘yung P70+ million na hinahanap natin. Siyempre, ‘yun ang tinatanong natin ngayon. At siyempre, ‘yun naman talaga ang gustong malaman ng ating mga kababayan,” ani Teves.
Sang-ayon naman si Tingog Party-list Representative Jude Acidre na dapat mahigpit na busisiin ang naturang isyu.
“Well, I think we will have to pursue the line of questioning, especially with regards to the Youth Leadership Summit and all the other programs related to the use of the confidential funds. By the amount alone involved, sinabi nila dati ng mga ibang member ng komite na this really deserves scrutiny. Kailangan talaga natin malaman paano ginamit, sino ang gumamit, at nasa tama ba ang paggamit ng mga confidential funds,” sinabi ni Acidre.
Nauna nang sinabi niHouse Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na maaaring irekomenda ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang paghahain ng plunder case laban kay Duterte kung bigo niyang maipapaliwanag ang P112.5 million ng confidential funds nang siya ay DepEd secretary pa.
“If you want to be technical about it, is the amount within the bounds of what can be considered plunder? Probably yes. Is it betrayal of public trust? I think pinaka-concrete na panuntunan ng public trust ang pag-handle ng public funds. So if we were to be technical about it, yes. But you see, when we do investigations, we also look at how can we prevent this from happening again. How do we institute and do we strengthen our laws and systems para hindi na maulit ang ganito? And how do we exact accountability sa mga taong naging kaparte ng ganitong mga gawain? Hindi lang po ito pag-uusig sa isang tao. Ito pa’y pagtatama ng mali,” komento ni Acidre tungkol dito.
Wala pang tugon ang kampo ni Duterte kaugnay nito.
Bumulusok ang trust rating ni Duterte ng six percentage points mula 65% patungong 59% sa third quarter survey ng OCTA Research ngayong 2024.
Bumaba rin ang kanyang percentage rating ng eight percentage points mula 60% patungong 52%. RNT/JGC