Home NATIONWIDE Pagbagal ng inflation ‘di ramdam ng masa; lugmok pa rin sa mataas...

Pagbagal ng inflation ‘di ramdam ng masa; lugmok pa rin sa mataas na presyo ng bilihin 

246
0

MANILA, Philippines – Sinita ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na hindi ramdam ng masang Pilipino ang sinasabing pagbagal ng inflation na ipinagmamalaki ng gobyerno, matapos iulat ng Philippine Statistics Authority na bumaba sa 1.7% ang inflation para sa buong 2025—ang pinakamababa sa nakalipas na siyam na taon.

Para sa mga magsasaka at mamamayan, nananatiling mabigat ang gastos sa araw-araw na pamumuhay, at hindi nagdulot ng ginhawa ang mababang numerong ito sa totoong buhay.

Nilinaw ng KMP na ang bumagal na inflation ay hindi nangangahulugang bumaba ang presyo ng pagkain at iba pang batayang bilihin.

Ayon sa pagsusuri ng IBON Foundation, ang pagbagal ng inflation ay indikasyon lamang na mas mabagal ang pagtaas ng presyo, subalit nananatiling mataas ang kabuuang presyo ng bilihin kumpara sa mga nakaraang taon.

Patuloy na nahihirapan ang mga pamilyang Pilipino sa napakamahal na presyo ng pagkain, kabilang ang gulay, karne, at iba pang pangangailangan, na mabigat pa rin sa bulsa.

Para sa mga magsasaka, lalong malinaw ang katotohanan. Habang mahal ang pagkain sa pamilihan, patuloy na mababa ang presyo ng palay at iba pang produktong agrikultural sa farm gate. Hindi napupunta sa mga magsasaka at nagpo-produce ng pagkain ang sinasabing benepisyo ng mababang inflation.

Sa halip, patuloy na tumataas ang gastos sa produksyon tulad ng abono, binhi, krudo, at upa sa lupa, kaya lalong mababa ang kita ng magsasaka.

Kaugnay nito, ipinapakita ng sitwasyong ito na walang saysay ang pagmamalaki ng gobyerno na bumuti umano ang kalagayan ng ekonomiya.

Hangga’t nananatiling mababa ang kita ng magsasaka at mahal ang bilihin para sa mamamayan, walang ginhawang maidudulot ang sinasabing pagbagal ng inflation.

Giit pa ng KMP, hindi pagmamanipula ng mga numero at istatistika ang kailangan kundi makabuluhang suporta sa lokal na produksyon, makatarungang presyo sa ani ng mga magsasaka, pagsawata sa mga mapagsamantalang traders, at pagwawakas sa labis na importasyon at kontrol ng kartel na nagpapahirap sa kapwa prodyuser at konsyumer.

Hangga’t hindi ito tinutugunan, mananatiling ilusyon ang sinasabi ng gobyerno na may ginhawa para sa mga magsasaka at mamamayang Pilipino. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here