Home NATIONWIDE Pagbasa ng sakdal laban sa 2 environmental activist ipinagpaliban ng korte

Pagbasa ng sakdal laban sa 2 environmental activist ipinagpaliban ng korte

MANILA, Philippines- Ipinagpaliban ng Municipal Trial Court sa Bulacan ang pre-trial at arraignment nina Jhed Tamano at Jonila Castro, ang dalawang environmental activist na dinukot umano ng mga militar noong September 2023.

Sa apat na pahinang kautusan ng Doña Remedios Trinidad Municipal Trial Court, itinakda sa April 25 ang pagbasa ng sakdal laban kay Tamano at Castro sa kasong grave oral defamation.

Nais ng korte na maresolba muna ng National Prosecution Service ang Motion for Reconsideration na inihain ng mga akusado.

Samantala, inatasan ng korte ang prosekusyon na magsumite ng komento sa inihain na motion to quash the information ng mga akusado.

Binigyan lang ng korte ang prosekusyon ng 10 araw upang sagutin ang mosyon.

Sa kanilang motion to quash, iginiit ng mga akusado na walang hurisdiksyon ang Doña Remedios Trinidad MTC na dinggin ang kaso dahil kung totoo anila ang alegasyon laban sa kanila, nangyari ang insidente sa Municipal Hall ng Plaridel, Bulacan at hindi sa Doña Remedios Trinidad.

Binigyan-diin ng mga akusado na napawalang-bisa ang kapangyarihan ng korte na dinggin ang naturang kaso matapos maglabas ang Supreme Court ng writ of Amparo para sa dalawang akusado.Teresa Tavares

Previous articleMTRCB Chair Lala at Vice, nagkita na, nagbeso pa!
Next articlePGH muling tatanggap ng pasyente sa Marso 18