Home METRO PGH muling tatanggap ng pasyente sa Marso 18

PGH muling tatanggap ng pasyente sa Marso 18

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng tagapagsalita ng Philippine General Hospital (PGH) na ang ospital ay muling magbubukas sa lahat ng pasyente sa Lunes, Marso 18, kasunod ng nangyaring sunog noong Marso 13.

Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, kasalukuyan pa ring nililinis ay inaayos ang wiring kaya hindi pa maaring tumangap ng pasyente hanggang ngayong weekend.

Hinihingi rin ni Del Rosario ang pang-unawa ng mga pasyente na hindi pa maaring makapunta sa ospital sa ngayon.

“Kaya rin naming kay inaabisuhan dahil baka masayang lang ang punta nyo dahil sarado po ito sa mga pasyenteng hindi naman agaw-buhay,” pakiusap ng tagapagsalita ng PGH.

Pinayuhan din ni Del Rosario ang mga pasyente na ikonsiderang magpatingin sa ibang ospital hanggang weekend kung ang kanilang kondisyon naman ay hindi seryoso.

Idinagdag pa ng opisyal na nagpabagal sa admission process para sa mga naghihintay sa emergency room ang inspeksyon ng Bureau of Fire protection (BFP).

Samantala, hinggil sa pasyenteng naapektuhan ng insidente ng sunog kamakailan, tiniyak ni Del Rosario na nakabalik na sila sa kani-kanilang hospital bed matapos pansamantalang ilikas at mailipat sa ibang ward.

“Patients from wards 1, 2, 3, and 4, and the medical ICU were briefly evacuated and transferred to other wards, but now everyone has been returned,” pahayag pa ni Del Rosario na binigyang-diin na walang nasaktan o nasawi sa sunog.

Habang hinihintay ang opisyal na pahayag ng BFP hinggil sa pinagmulan ng sunog, binigyang-diin ni Del Rosario ang pangangailangang i-renovate ang apektadong lugar, na matagal nang nakatakdang isaayos at bahagyang ginamit bilang imbakan.

Paglilinaw pa ni Del Rosario, ang audio-visual room na nasunog ay matatagpuan sa likod ng Wards 1 at 2 at bahagi ng Department of Medicine complex. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePagbasa ng sakdal laban sa 2 environmental activist ipinagpaliban ng korte
Next article3 sugatan sa sunog sa Valenzuela