Home HOME BANNER STORY Pagdala kay ex-PRRD sa The Hague isang uri ng ‘state kidnapping’ –...

Pagdala kay ex-PRRD sa The Hague isang uri ng ‘state kidnapping’ – VP Sara

MANILA, Philippines – Tinawag ni Vice President Sara Duterte na ‘state kidnapping’ ang pagbiyahe kay dating Pangulong Rodrigo Duterte patungo sa The Hague.

“Sinasabi ko sa inyong lahat Pilipino kayo ‘wag kayong pumayag na ang isang Pinoy ibigay sa sa mga dayuhan lalo na pag labas na sa batas ‘yun. This is actually some sort of state kidnapping. Parang ganyan na nangyayari,” pagbabahagi ni Duterte sa media.

“And all because mukhang matatalo sila midterm elections dahil ang lakas ng vote straight sa ating candidate sa PDP Laban,” dagdag ng Bise Presidente.

Matatandaan na inaresto ang dating Pangulo nitong Martes sa bisa ng warrant na inisyu ng International Criminal Court, na kalaunan ay inilipat mula NAIA patungong Villamor Air Base sa Pasay City.

Mula doon ay isinakay siya sa isang eroplano na magdadala naman sa kanya patungong The Hague kung nasaan ang ICC.

Nitong Martes ay agad na naghain ng petisyon ang kampo ni Duterte na humihiling sa Korte Suprema na atasan ang pamahalaan na pakawalan ito.

Ani VP Sara matapos hindi payagang makapasok sa Villamor, kung walang temporary restraining order na iisyu ay, “Hindi ko alam, hawakan ko ba yung gulong ng airplane na yan?”

Sinabi rin nito na walang legal na basehan para i-endorso o iturn-over ang ama sa International Criminal Court (ICC). RNT/JGC