Home HOME BANNER STORY PBBM sa pag-aresto kay Duterte: Pagtugon sa Interpol, ‘di sa ICC

PBBM sa pag-aresto kay Duterte: Pagtugon sa Interpol, ‘di sa ICC

Screengrab from GMA News

MANILA, Philippines – SINUNOD lang ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng legal procedures sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte.

“We followed all the legal procedures that are necessary. I’m confident that in further examination, you will find that it is proper and correct,” ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang press conference, sa Palasyo ng Malakanyang, Martes ng gabi.

Ayon sa Pangulo, mayroong “very good basis” para isilbi ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte.

Itinanggi naman ng Pangulo ang alegasyon ng kampo ni Duterte na labag sa batas ang pag-aresto sa dating Pangulo.

Sumusunod lamang aniya ang gobyerno ng Pilipinas sa ‘request’ ng International Criminal Police Organization (Interpol) na ipatupad ang ICC order.

Pinanindigan naman ni Pangulong Marcos na hindi nakikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC.

“It’s a request to the Philippine government from Interpol to enforce the arrest warrant and of course, we comply with our commitments to Interpol,” ang winika ng Pangulo.

“We do not do this because it was derived from or came from ICC. We did this because Interpol asked us to do it and we have commitments with them and we live up to those commitments,” aniya pa rin.

Pinabulaanan din ng Chief Executine ang alegasyon ni Duterte na siya ay ‘politically persecuted.’

Binigyang diin ni Pangulong Marcos na obligado lamang ang gobyerno na kilalanin ang tuntunin ng pagiging miyembro ng Pilipinas sa Interpol.

“Well, I’m sure sasabihin nila iyan. But this case started in 2017 when we were still members of the ICC and it was during the time of former president Duterte. So, I don’t see how that can be political persecution on my part because it was initiated before I even came into the picture,” ang sinabi ng Punong Ehekutibo.

Sa kabilang dako, mayroon namang “physical copy” ng arrest warrant laban kay Digong Duterte.

Tiniyak ng Pangulo na ang isasapubliko ang dokumento para sa ‘transparency.’

“Again, the government is just doing its job. Wala namang … It’s not because it’s one person or another that we do the things that we do. Maybe sa mga nakaraan na adminsitrasyon, baka ganoon ang ginagawa. Pero sa akin, hindi naman ganoon,” ang pahayag nito.

Samantala, sa ulat, ilang oras matapos siyang arestuhin sa bisa ng arrest warrant, lumipad na mula sa Villamor Air Base sa Pasay City ang eroplano na pinagsakyan sa dating Pangulo para dalhin sa The Hague, at paharapin sa International Criminal Court (ICC).

Sakay si Duterte ng eroplanong RP-C5219, na umalis ng Villamor Air Base dakong 11:03 p.m.

Matapos na dalhin si Duterte sa Villamor Air Base nitong Martes ng umaga, dumagsa sa lugar ang mga tagasuporta ng dating pangulo, at nandoon din si Vice President Sara Duterte, na hindi umano pinayagan ng mga nagbabantay na pulis na makapagpasok sa loob.

Ayon kay Atty. Martin Delgra, sumakay si Duterte sa eroplano ng 9 p.m. nitong Martes. Kasama niya si dating Executive Secretary Salvador Medialdea, isang nurse, at isang personal assistant.

Sinabi rin ni Delgra, abogado ng dating pangulo, hindi sila pinayagan na makalapit sa eroplano.

Sinabi naman ni VP Sara na kaagad din siyang susunod sa The Hague kasama ang kanilang mga abogado.

Tinawag niyang insulto sa mga Pilipino ang ginawa ng gobyerno na isuko ang kaniyang ama para sa mga dayuhan.

Itinanggi rin niya na nagtangkang humingi ng asylum sa Chinese government ang kaniyang ama nang magpunta ito sa Hong Kong nitong weekend. Kris Jose