Home OPINION PAGGUHO NG MGA TULAY KORAPSYON, ‘DI ‘DESIGN FLAW’, DAHILAN

PAGGUHO NG MGA TULAY KORAPSYON, ‘DI ‘DESIGN FLAW’, DAHILAN

ITINURO ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na “design flaw” ang dahilan sa pagguho ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela habang may dumaraang dump truck na kinontra naman ng mismong engineer na nagdesign nito na si Albert Cañete.

Walang mali sa pagdisenyo ng gumuhong tulay, ayon sa inhinyero, sapagkat sinunod nila ang pamantayan ng Department of Public Works and Highways base sa bridge code na inilabas noong 2015 na nagtatalaga lang ng load limit na 27 tons para sa 10-wheeler truck.

Kaya nga ang hamon nitong si Cañete ay magsagawa muna ang pamahalaan ng forensic engineering investigation upang mabatid kung ano talaga ang dahilan kaya gumuho ang tulay na ginastusan ng bilyong piso.

Sa pag-analisa naman ni Senador Jose Victor “JV” Ejercito, ang dahilan sa pagbigay ng bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge ay maling pagtitipid dahil nga dapat ang tulay raw ay gagawin ng isang Japanese construction company noong panahon nang panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Pero dahil ang estimated cost ng tulay ay P1.2 billion, hindi naaprubahan ang proyekto at napagdesisyunan na local contract ang gagawa kaya pumasok ang kompanya ni Cañete.

At komento nitong mambabatas, sa halip na makatipid ay mas napamahal pa dahil doble pa nga ang inilabas na perang panggastos ng pamahalaan.

Mukhang nais na sabihin ni Senador JV na napamahal pa ng gastos dahil maraming idinagdag na pondo sa bawat taon na nadelay ito bukod pa sa may ilang taong gobyerno ang nagtamasa kaya naman tila tinipid ang gastusin sa nasabing tulay.

Hindi naman kasi kaila na pinag-uusapan ang komisyon sa bawat proyekto ng pamahalaan at ang nakikinabang ay mismong mga naglunsad o may kinalaman sa proyekto. Sa madaling salita, korapsyon ang totoong dahilan kung bakit may mga proyekto o programang palpak ang pamahalaan.

O, ‘di ba “Tongressman?”

Sa kaso nitong gumuhong tulay, dapat sa simula pa lang ay nag-imbestiga na ang DPWH, pamahalaang lokal at nasyonal upang hindi turuan nang turuan kung sino ang dapat sisihin. Dahil mahirap magturo lalo na’t ang nagtuturo ay may kinalaman din o kasama sa dapat imbestigahan.

Samantala, nais ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na imbestigahan ang mga insidente ng pagbagsak ng mga tulay tulad ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela Magapi Bridge sa Balete, Batangas noong October 28, 2024, Bantilan Bridge noong October 29, 2022 at marami pang iba.

Magkakaalaman na kung sino-sino ang naulingan ang mga kamay sa paghawak sa palayok.