Home NATIONWIDE Paghingi ng tulong ng US sa imbestigasyon vs Andy Bautista, ikinagulat ng...

Paghingi ng tulong ng US sa imbestigasyon vs Andy Bautista, ikinagulat ng Comelec

MANILA, Philippines- Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ‘nasorpresa’ siya nang makipag-ugnayan ang United States (US) Justice Department sa poll body sa pamamagitan ng Philippine Department of Justice (DOJ) noong huling bahagi ng 2022.

Inihayag ito ni Garcia isang araw matapos ibunyag na humingi ng tulong sa komisyon ang gobyerno ng Amerika para sa mga dokumento at interbyu mula sa poll body at personnel nito kaugnay sa kasong inihain laban kay dating Comelec chairman Andy Bautista.

Ibinunyag ni Garcia na nagpadala sa kanila ang Justice Deparment sa Pilipinas mula US Justice Department.

Sa sulat ay inilahad ang mga impormasyon na kaugnay sa imbestigasyon na isinasagawa ng US.

“Yun pala later on magpa-file ng kaso. Hindi natin inaasahan kaagad ‘yung pagpa-file ng kaso, pero at that time, alam natin na may investigation na ginagawa and we were surprised dun sa laman ng kanilang naging liham sa atin at that time at minarapat namin na ‘yon ay, at based na rin sa request nila, na gawing highly confidential ‘yung request,” sabi ni Garcia sa mga mamahayag.

Ayon kay Garcia, huling bahagi ng nakaraang taon matapos siyang maitalaga bilang chairman ng komisyon nang hingin ng Amerika ang mga dokumento.

Hindi naman ibinunyag ni Garcia kung anong dokumento ang ibinigay nila sa gobyerno ng Amerika gayundin ang pagkakakilanlan ng mga tao na nakausap ng mga awtoridad ng Amerika dahil hindi pa sila sigurado kung ang impormasyon na nakalap mula sa kanila ay gagamitin sa kaso laban kay Bautista.

“Baka po kasi magbanggit ako ng mga document ‘yun pala naman ay hindi nila gagamitin sa kaso,” ani Garcia.

Dagdag pa ni Garcia, mas mainam aniya na makakuha ng kopya ng mismong charge sheet.

Noong Lunes, ibinunyag ni Garcia na bumuo ng fact-finding task force na susuri sa lahat ng kontrata at maghahanap ng kaugnay na impormasyon hinggil sa procurement ng automated election system (AES) machines noong 2016.

Si Bautista umano ay nahaharap sa reklamong money laundering sa IS dahil sa tangkang paglipat ng $4 milyon mula sa apat na executive ng Smartmatic subsidiaries.

Nahaharap din umano siya sa kasong bribery na isinampa ng isang unit ng US Department of Homeland Security dahil sa pagtanggap ng pera mula sa hindi pinangalanang poll company.

Itinanggi ni Bautista ang mga paratang sa X, na dating Twitter. Aniya, handa siyang tumugon sa mga sinasabing kaso sa tamang forum at oras. Jocelyn Tabangcura-Domenden