Home OPINION PAGKAIN PARA SA MGA ALAGANG HAYOP, HINDI REHISTRADONG IBINEBENTA ONLINE

PAGKAIN PARA SA MGA ALAGANG HAYOP, HINDI REHISTRADONG IBINEBENTA ONLINE

NANAWAGAN ang Bureau of Animal Industry (BAI) sa publiko kaugnay sa pagkalat ng mga hindi rehistradong produkto ng pagkain para sa mga alagang hayop na naglipanang ibinebenta online gayundin sa mga sikat na e-commerce platforms.

Sa isinagawang post-marke­ting surveillance ng BAI at pagsusuri sa mga rekord ay kumpirmadong maraming produktong ibinebenta online ang walang tamang sertipikasyon at hindi matukoy ang mga supplier.

Panawagan ng ahensiya sa mga may-ari ng mga produkto para sa mga hayop na makipag- ugnayan sa BAI o kaya naman ay sa Food and Drug Administration (FDA), lalo na para sa mga produktong may therapeutic claims, upang masigurong dumaan ang mga ito sa wastong pagsusuri at pagpaparehistro.

Kabilang sa mga hindi rehistradong produkto at brand na na-kumpirma ng BAI ay ang veTcore+, Fit Paws, Tovitar, Popoo, at Petcher Organics.

Maliban sa pagkain, kabilang din sa mga produkto nila ay mga treats para sa aso, bitamina, at mga produktong nagsasabing nagpapaganda ng balahibo ng alagang hayop, nagpapabuti ng kalusugan ng balakang at kasukasuan, at nagpapahusay ng kalusugan ng bituka at immune system.

Dahil hindi nga rehistrado ang mga nabanggit na produkto ay hindi tiyak kung ano mga sangkap ng mga ito na maaa­ring hindi nararapat at makasasama sa mga alagang ha­yop.

Kaya paalala ng BAI, huwag bumili o mag-alok ng mga hindi rehistradong produktong feed hanggang sa makakuha ang mga ito ng sertipikasyon mula sa BAI o FDA.

Mabilis na lumalago ang in­dustriya ng pagkain para sa mga alagang hayop.

Tinatayang nasa Php 24 billion ang halaga ng merkado ng pagkain ng alagang hayop sa bansa at patuloy itong lumalaki taon-taon.

Ang mga alagang aso o pu­sa ang nagsisilbing kasama natin sa bahay, pangtanggal ng stress kapag galing tayo sa trabaho at masaya silang sumasalubong sa may pintuan.

Sa isang survey ng Social Weather Station, napag-alaman na 64 porsyento ng mga Filipino ay mayroong alagang hayop sa bahay kung saan 78 percent ay mga aso at 50 percent na mga pusa.