BINIGYANG-LINAW ni Sultan Kudarat Governor Pax Ali Mangudadatu ang diumano’y hidwaan at pagkaka-watak-watak sa pulitika sa Mindanao lalo na sa kanilang probinsya.
Ito’y may kaugnayan sa pagkatalo ng maraming mga kandidato ng administrasyon sa rehiyon nitong nakaraang May 12 midterm elections.
Nabatid ng Good Riddance mula sa kampo ng batambatang gobernador na bago pa lamang ang kampanya – may sigalot na sa loob ng partido lalo sa mga lokal na kandidato.
Binigyang diin pa ng opisyal na sa kabila ng pagsisikap na maayos ang gusot – nangibabaw pa rin ang pulitika at personal na interes ng mga kandidato ng Lakas-CMD at Partido Federal ng Pilipinas.
Ang naturang sigalot aniya ang naging dahilan kaya hindi naging matagumpay ang kampanya ng administration bets at kabiguan na maihatid ang serbisyo ng pamahalaan dahil nabahiran ng pulitika ang maganda sanang samahan na nagdulot ng hindi pagkakaunawaan at away sa lokal na pulitika.
Tahasang kanyang tinukoy ang umano’y pakikialam ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo ang tila pangunahing dahilan ng pagkawatak-watak ng partido lalo sa Mindanao.
Dagdag ba ng gobernador, ang problema na dapat sila mismo ay nagtutulungan, sila pa ang nag-aaway away na hindi lang aniya nangyari sa kanilang probinsya kundi maging sa ibang lugar.
Dahil dito, nanawagan si Mangudadatu sa gobyerno na gumawa ng kaukulang aksyon at malaking pagbabago sa pamahalaan upang maalis ang aniya’y ‘disconnect’ sa pagitan ng mga opisyal at mga mamamayan upang maisakatuparan ang pangako ng Bagong Pilipinas.
May nagsasabing tila blessing in disguise na ang kamakailang kautusan mismo ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng kanyang Cabinet members, kasama na rito si Lagdameo, na magsumite ng courtesy resignation upang mapalitan ang mga tila naging “pabigat” sa halip na “asset” ng administrasyon lalo sa pagseserbisyo sa taumbayan.
Isa si Lagdameo ang agad na nagsumite ng courtesy resignation at habang ilang Cabinet members ay agad na-reinstate ng Pangulo lalo na ang kanyang tinatawag na ‘economic team’ sa pangunguna nina Finance Secretary Ralph Recto at Budget Secretary Amenah Pangandaman pero wala pa ring aksyon sa iba kasama ang una (Lagdameo).
Let’s wait and see.






