Home OPINION NCAP: ANG PAGBABALIK!

NCAP: ANG PAGBABALIK!

110
0

BUMALIK na ang NCAP, o ang No-Contact Apprehension Policy — at sa Day One, 1,112 motorista ang nahuli, gamit ang mga traffic camera na 24/7 na nakatutok sa buong Metro Manila. Malaki ang nabawas dito kumpara sa 3,900 nahuli sa parehong araw noong nakaraang taon, pero hindi pa rin biro ang mahigit isanlibong pasaway.

Sa ilalim ng NCAP, ang mga CCTV at digital camera ang nagsisilbing pulis. Wala nang suhulan, wala na ring palusot. Pawang paglabag lamang na nai-record, na ang multa ay mababayaran online o sa opisina ng Metro Manila Development Authority. At sa ngayon, tanging ang MMDA lang ang pinahihintulutang magpatupad nito — wala na ang mga pasaway na LGUs na may sariling paglabag.

Pero dito na papasok ang scammers. Halos agad-agad na nag-viral ang mga pekeng link na nangangakong itse-check ang mga paglabag n’yo sa NCAP. I-click ang link at mabubuyangyang na ang mahalaga mong impormasyon sa mga kriminal online. Hindi lamang simpleng digital convenience ang habol nila — kundi ang iyong pera at pagkakakilanlan. At hanggang hindi kikilos ang gobyerno para seryosong tutukan ang problema, patuloy na pagpipiyestahan ng mga manlolokong ito ang kawalang kaalaman ng mga motorista.

Mga peke sa Meta

Kung patuloy pa rin kayong nagpapaniwala sa mga pekeng Facebook accounts na nagpapanggap na public officials, panahon nang umayos-ayos kayo.

Nitong weekend, nagbabala ang Quezon City government laban sa isang poser account na nagkukunwaring si Mayor Joy Belmonte — isang digital bait na ginagamit para maloko ang mga residente at ma-hack ang kani-kanilang accounts. Ito ang uri ng scam na nagsasamantala sa mabilis na pagtitiwala at katamaran: naniniwala tayo sa profile dahil ginusto natin, hindi dahil tsinek natin ito.

Ito ang pinakabago sa line-up ng high-profile personalities, kabilang ang tycoons na sina Ramon S. Ang at Lance Gokongwei, na nadamay sa deepfake scams na idinisenyo para simutin ang perang pinaghirapan ng mga Pilipino.

Ang hindi maintindihan ng marami sa atin ay kung paanong nakalulusot sa Meta, na nagmamay-ari sa Facebook, ang ganitong scam videos. Sa kabila ng advanced technology sa backroom arsenal nito, nakapagtataka kung paanong sa panahon ngayon — at kahit na napakarami nang nagrereport ng mga pekeng profile na ganito — hindi pa rin ito masawata ng kompanya ni Zuckerberg.

Hindi lamang ito kahiya-hiya. Delikado pa. Kaya magpakatotoo na tayo: hindi namumudmod ng libreng cash ang inyong mayor, at hindi ka hinihikayat ni RSA na mag-invest gamit ang mga kaduda-dudang links na may double-your-money scheme. Huwag kayong pauuto sa ganitong scam pen na tinatawag na pig butchering.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here