Home OPINION PAGLILIKAS NG OFWs SA LEBANON, IHANDA NA

PAGLILIKAS NG OFWs SA LEBANON, IHANDA NA

ATTENTION kayo riyan sa Malakanyang!

Pinagbabakwit o pinauuwi na ng pamahalaang Kuwait ang lahat ng Kuwaiti na nakatira sa Lebanon, maliban lang ang mga may napakahalagang ginagawa roon.

Ang Canada, pinaghahanda na rin ang mga pwersang militar nito para maibakwit nito ang lahat ng 45,000 Canadian na nasa Lebanon.

Ginagawa ang mga hakbang para sa pagbabakwit dahil sa umano’y maaaring pagsiklab ng mabangis na digmaan sa pagitan ng Hezbollah na nakabase sa Lebanon at Israel.

May 33,000 Pinoy sa Lebanon.

Ano naman ba ang nasa isipan ng pamahalaang Bongbong Marcos para iligtas sa kapahamakan ang mga Pinoy sa Lebanon?

Anomang hakbangin ang pamahalaan para sa pagliligtas sa mga Pinoy na karamiha’y overseas Filipino worker, buo ang ating pakikiisa.

ALL-OUT WAR NG HEZBOLLAH VS ISRAEL SISIKLAB

Sa ngayon, araw-araw na nagpapalitan ng mga missile, drone at bomba ang magkabilang panig at libo-libong mamamayan ng Lebanon at Israel ang umalis na mula sa mga hangganan ng magkabilang panig.

Ayon sa Hezbollah, patuloy ang kanilang pakikipagbakbakan laban sa Israel hanggang hindi ititigil ng huli ang pagdurog nito sa Hamas at pagpatay sa mga Palestino sa Gaza Strip.

Halos 38,000 Palestino na ang namamatay sa Gaza Strip sa mga pagbomba, pag-drone, pag-missile at pagkanyon ng pwersang Israel sa mga Hamas at Palestino bilang ganti sa paglusob ng mga Hamas sa Israel noong Oktubre 2023 na ikinamatay ng nasa 1,200 Israelita.

At ngayon, patakaran na ng Israel na durugin nang husto ang Hamas at hindi bibigyan ng matitirhan ang mga Palestino sa Gaza Strip.

Dahil kaalyado ng Hamas at mga Palestino ang Hezbollah, kakambal na ng Hamas and Hezbollah sa pag-atake sa mga pwersang Israel.

Mismong teritoryo ng Israel sa norte ang araw-araw na ginigiyera ng Hezbollah habang ang teritoryo ng Hezbollah at iba pang bahagi ng Lebanon ang dinudurog naman ng Israel.

At ngayon nga, may banta na para sa all-out war sa pagitan ng Hezbollah at Israel at maaari umanong maganap ito anomang araw mula ngayon.

Maaaring mapilitan na ring masangkot mismo ang pamahalaang Lebanon na kaiba sa pamahalaang Hezbollah at kung maganap ito, baka masangkot na rin ang ilang bansang Arabo na kontra at kampi sa Israel.

PREPARASYON SA PAGBABAKWIT NASAAN?

Tiyak na tinatanong na ng mga OFW sa Lebanon ang mga preparasyon ng ating pamahalaan sakali ngang sisiklab ang malawakang giyera sa pagitan ng Hezbollah at Israel.

Sasabihin na rin nating maaaring maapektuhan na rin ang marami sa 30,000 OFW  mismo sa Israel.

Ito’y dahil sa banta ng Hezbollah na kaya nilang paulanan ang Israel ng mga missile at drone na hindi basta madadale ng Iron Dome o depensa ng Israel.

Nasaan na nga ba ang mga hakbang para sa pagbabakwit gaya ng nasimulan na ng mga bansang Kuwait at Canada?