KORTE Suprema na lamang ang tanging pag-asa upang maipagpatuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong taon.
Sa mga Mahistrado umaasa ngayon ang marami matapos muling maantala ang halalan na dapat sana’y magbibigay ng pagkakataon sa mga bagong lider na pamunuan ang kanilang mga barangay.
Nakakapagtaka rin ang pagpapatupad ng limang taong termino ng mga barangay officials. Kung talagang kailangang baguhin ang haba ng termino, mas makatwiran sana kung proactive ito at ipatutupad sa mga susunod na halal na opisyal, hindi retroactive na maaaring makinabang ang mga kasalukuyang nakaupo.
Dahil kapag retroactive, hindi ba’t ang mga kasalukuyang opisyal ang unang makikinabang?
Maganda sana ito kung mahusay, maayos at tunay na nagsisilbi ang isang kapitan. Pero paano kung ang kapitan ay “kupitan”?
Paano kung palpak ang pamumuno, mabagal ang serbisyo at hindi pinakikinggan ang hinaing ng mga residente?
Mas matagal ding titiisin ng mga mamamayan ang problema kung mananatili sa pwesto ang isang lider na hindi na nila nais muling pamunuan ang kanilang barangay.
Hindi biro ang barangay. Ito ang pinakamalapit na pamahalaan sa ordinaryong mamamayan. Dito unang lumalapit ang mga tao para sa mga dokumento, tulong, seguridad, kalusugan at iba pang pangunahing serbisyo.
Kaya mahalaga ang regular na halalan dahil sa pamamagitan ng eleksyon, may pagkakataon ang mga residente na pumili ng lider na sa tingin nila ay karapat-dapat at mapagkakatiwalaan.
Ngayon, nakatutok ang mga mata ng publiko sa Korte Suprema na nagsagawa na rin ng raffle sa inihaing petisyon ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal.
Umaasa ang marami na maririnig ang kanilang panawagan at mapipigilan ang patuloy na pagpapaliban ng BSKE.
Hindi lamang ito tungkol sa termino ng barangay officials. Mas malaking usapin ito ng karapatan ng mamamayan na pumili ng kanilang lider.
Kung mahusay ang kasalukuyang kapitan, hayaan ang taumbayan ang magpasya kung nais pa nila itong bumalik.
Kung palpak naman, hayaan din silang magkaroon ng pagkakataong pumili ng bago dahil sa demokrasya, ang huling salita ay dapat nasa kamay ng mga botante.






