KABILANG sa mga kilalang personalidad na dating nanungkulan sa pambansang antas, si dating Senador Bong Revilla ang kauna-unahang naaresto at nakulong sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control projects. Ang hakbang na ito ay itinuturing ng pamahalaan bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa katiwalian sa mga proyektong pang-imprastruktura.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, nagkaroon sila ng pag-uusap sa telepono ni Revilla bago ito tuluyang sumuko sa mga awtoridad. Sa pag-uusap, pinayuhan umano ni Remulla ang dating senador na mas makabubuting dumaan sa tamang proseso at magboluntaryong humarap sa batas.
Bagama’t humaharap sa seryosong kaso, binigyang-pansin ng ilan ang naging desisyon ni Revilla na huwag umiwas sa pananagutan. Para sa mga tagamasid, malinaw sa kanyang ginawa ang PAGTANGGAP sa kinahinatnan ng kanyang sitwasyon, bagay na hindi nakikita sa iba pang personalidad na nahaharap sa kahalintulad na usapin ngunit piniling magtago o umiwas sa awtoridad.
Samantala, naging viral sa social media ang larawang ibinahagi ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na may caption na “Tunay na unity ay hindi nabubuwag.” Makikita sa larawan ang mga miyembro ng senatorial slate ng Team Robredo–Pangilinan noong halalan ng 2022 na muling nagsama-sama sa isang pribadong salo-salo at pulong. Ayon kay Trillanes, ang naturang pagtitipon ay bahagi ng PAGHAHANDA para sa mga darating na hamon sa larangan ng pulitika na pinaniniwalaan ng marami na maaga pa ay sinisimulan na ang paghahanda para sa halalang pampanguluhan sa 2028.
Sa kabilang banda, sinabi ni Vice President Sara Duterte na inaasahan na niya ang muling paghahain ng impeachment complaint laban sa kanya matapos one-year bar rule. Gayunman, iginiit ng bise presidente na nananatili siyang panatag na mauuwi lamang ito sa pagbabasura, gaya ng naunang reklamo.
Mayroon ding mga impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Marcos sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, na inaasahang susundan pa ng panibagong reklamo mula sa Makabayan Bloc. Sa kabila nito, nananatiling PANATAG ang kampo ng Pangulo na hindi ito uusad sa Senado, dahil sa kakulangan umano ng sapat na batayan at sa katotohanang mayorya ng mga mambabatas ay kaalyado ng administrasyon.






