ANG isang maling desisyon sa kalsada ay maaaring magdulot ng trahedya. Naniniwala tayo sa ganitong pananaw na nagpatotoo sa documentary TV series na “Seconds from Disaster” ng National Geographic Channel.
Sa mga expressway partikular sa overtaking lane, madalas nating mabalitaan ang rear-end collision ng mga sasakyan dahil sa pagbagal o pagpreno ng naunang sasakyan.
Eh bakit nga ba biglang bumagal at nagpreno? Puwede kasing may iniindang sakit ang driver o kaya naman ay may iniiwasang obstruction tulad ng tao, object o mga galang hayop na biglang tumawid sa expressway. Kung pagbabasehan ang traffic rule, mas higit na may kamalian ang mga sasakyang sumalpok sa biglang nagpreno? Mayroon kasi tayong tinatawag na 3-second rule o tamang braking distance.
Paano ba gawin 3-second rule?
Ang 3-second rule ay pagpapanatili ng iyong distansya katumbas ng tatlong segundo sa sinusundang sasakyan. Pumili lamang ng palatandaan o object sa daan tulad ng poste, safety sign, o puno. Magbilang ng 3 seconds kapag nalampasan ng sinusundang sasakyan ang napiling object. Napakalapit mo sa sasakyang nasa iyong harapan sa oras na marating mo ang palatandaan bago pa man matapos ang bilang.
Ayon sa traffic safety science, ang isang driver ay may reaction time na humigit-kumulang 1.5 segundo bago pa man makapreno. Sa panahong ito, may tatlong yugto na papasok sa ating kaisipan bilang susual na reaction at una dito ay perception o hazard recognition. Ikalawa naman ang pagdedesisyon na kailangang magpreno. At ikatlo ay ang pisikal na action o paglipat ng paa mula silinyador patungong preno.
Ibig sabihin, habang nag-iisip at kumikilos ang driver, tumatakbo na ang sasakyan nang wala pang reduction sa speed. Alam ba ninyong kapag pagod, distracted, o nagulat ang driver, ang reaction time ay maaari pang umabot ng 2 hanggang 2.5 segundo? Alam ba ninyong sa 100 km/h na bilis ay maaari kang makatakbo ng mahigit 40 metro sa loob ng 1.5 segundo bago ka pa man makapreno. In short, imbes na tumutok, safety first at aliwin ang sarili sa pagbibilang, he-he-he.
Kung may 3-second rule sa ating bansa, may 4-second rule naman sa abroad na parehong magbibigay proteksyon habang tayo ay nasa kalsada.
Basahing muli ang driver’s manual na ipinamamahagi ng Land Transportation Office o mag-enroll sa mga training center na nag-aalok ng defensive driving course upang lagi tayong protektado habang nagmamaneho.






