ISANG matinding panawagan ang ipinararating ng mga Pilipinong nakabase sa iba’t ibang bansa upang mabigyan ng agarang pansin ang mga insidenteng nagdudulot ng pangamba sa mga residente ng bayan ng Libacao sa Aklan.
Hindi naman humihingi ng labis ang mga mamamayan. Ang kanilang kahilingan ay payak ngunit napakahalaga—isang komunidad na may kaayusan, kapayapaan, at katahimikan kung saan ligtas ang bawat isa sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Maging si Konsehal NafNaf Navarrosa ay nagpahayag ng pag-aalala sa lumalalang mga insidenteng nagdudulot ng perwisyo sa mga residente. Ayon sa kanya, nakababahala na maging ang mga magkaangkas sa motorsiklo ay nagiging target ng ilang grupong gumagawa ng kalokohan.
Bilang pagpapakita ng kanyang determinasyon na matukoy ang mga responsable, nag-alok si Navarrosa ng halagang P10,000 bilang pabuya sa sinomang makapagtuturo sa mga nasa likod ng paninira ng mga ari-arian.
Nakalulungkot isipin na kahit nakaparada sa loob ng garahe ang isang sasakyan ay hindi pa rin ligtas sa mga taong gumagawa ng paninira.
Mas lalo pang umigting ang pangamba ng publiko dahil sa kasong kinasasangkutan ng isang babae na umano’y nilaslas ang leeg habang namamasyal kasama ang kanyang kasintahan. Ang naturang insidente ay nagdulot ng takot hindi lamang sa mga residente kundi maging sa mga Libacaonon na naninirahan sa ibang bansa.
Ipinahayag nina Ediven Ramos at Astrophel Zulueta, na kasalukuyang nasa Amerika at Canada, ang kanilang matinding pag-aalala na baka lumala pa ang sitwasyon kung hindi ito agad matutugunan. Si Zulueta, na isang retiradong pulis at naging number one kagawad ng bayan, ay nangakong makikipagtulungan at susuporta sa mga alagad ng batas upang higit pang mapalakas ang kampanya laban sa kriminalidad at mapanatili ang seguridad sa Libacao.
Nananawagan din ang mga mamamayang nasa ibayong dagat sa kasalukuyang alkalde na paigtingin ang mga hakbang para mapangalagaan ang komunidad at matiyak ang kaligtasan ng bawat residente. Ang kanilang pangamba ay hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para rin sa kanilang mga mahal sa buhay na naiwan sa Libacao.
Kapag ang mismong mga mamamayan ang nananawagan na maibalik ang kaayusan, malinaw na may mga suliraning nangangailangan ng agarang aksyon. Ang katahimikan ay hindi lamang kawalan ng kaguluhan kundi bunga ng epektibong pagpapatupad ng batas, patas na pamamahala, at mabilis na pagtugon ng mga kinauukulan.






