Home NATIONWIDE Panelo umapela sa pagpapauwi kay Duterte

Panelo umapela sa pagpapauwi kay Duterte

MANILA, Philippines – Dumalo si dating legal counsel to the President Atty. Salvador Panelo sa prayer rally na idinaos sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Sabado, Marso 15 bilang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa naturang prayer rally, kinondena ni Panelo ang pamahalaan at inakusahan itong lumabag sa batas sa pagpayag sa International Criminal Court (ICC) na makialam sa kaso ni Duterte.

“Sinuko nila ang soberenya ng bansa sa pamamagitan ng pagsuko sa isang mamamayan. Walang jurisdiction ang ICC. Hindi lamang sila ang tumulong, sila na mismo ang nag-aresto kay dating pangulong Duterte,” ani Panelo.

“Ang mga tao rito ngayon ay naririto upang iparamdam sa gobyerno ang mga kamalian na ginagawa nila at upang ipamukha sa kanila na kataksilan ang pagpapakanulo ng dating Presidente Duterte sa mga dayuhan na walang kapangyarihan o karapatan na kunin o litisin ang dating pangulong Duterte,” dagdag pa niya.

Si Duterte ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest ng ICC at kalaunan ay ipinadala sa The Hague noong Marso 12.

Humarap si Duterte sa kauna-unahang pagkakataon sa ICC nitong Biyernes.

Inakusahan ang dating Pangulo ng crime against humanity sa mga pagpatay sa war on drugs ng administrasyon nito.

Sa prosecutor’s application para sa pag-aresto rito, sinabi na ang mga nagawang krimen ni Duterte ay “part of a widespread and systematic attack directed against the civilian population in the Philippines.”

“Potentially tens of thousands of killings were perpetrated,” ayon sa prosekusyon.

Samantala, sinabi ni Panelo na ang prayer rally ay hindi lamang uri ng protesta kundi isang panawagan para sa pamahalaan na gumawa ng aksyon.

“Pag hindi sila nakinig yan ang simula ng pagbagsak ng pamahalaan… Lahat yan. Lahat ng mga salita at pahayag ng Pilipino ay palaging nakadirekta sa pamahalaan, sa lahat ng opisyales, sa presidente, at lahat ng iniluklok ng taumbayan sa kapangyarihan,” aniya.

“Ang importante sa akin ‘yong kalagayan ni pangulong Duterte. Nanghihina. Garagal ang tinig niya. Talagang may sakit. Dapat sa ospital nila dalhin ‘yon, hindi sa kulungan,” pagpapatuloy ni Panelo.

Matatandaan na tila nahihirapan si Duterte na magsalita nang humarap ito sa ICC trial sa pamamagitan ng video link.

Sinabi na rin ng abogado ni Duterte na si dating executive secretary Salvador Medialdea na ang dating Pangulo ay nahaharap sa “debilitating medical issues.”

Sa kabila nito, sinabi ni ICC Judge Iulia Motoc na, “The court doctor was of the opinion that you were fully mentally aware and fit.” RNT/JGC