Home OPINION PANGANGALAGA NG KAPALIGIRAN PROTEKSYON SA TAUMBAYAN

PANGANGALAGA NG KAPALIGIRAN PROTEKSYON SA TAUMBAYAN

HINDI pa rin tumatalab sa kaisipan ng ilang opisyal na kwarta lang ang nasa utak na ang pagsusulong ng wastong pamamaraan nang pangangalaga ng kalikasan ay pagpoprotekta ng sambayanan laban sa mala-delubyong kalamidad na tumatama sa bansa.

Kagaya nitong naganap na landslide sa Maco, Davao De Oro kung saan namatay ang 98 indibidwal na mga residente kabilang na ang siyam na empleyado na Apex Mining noong nakaraang buwan subalit ayon sa kompanya ay hindi ito titigil sa paghuhukay ng ginto rito  at wala itong plano na tuldukan ang operasyon bunsod sa sumusunod naman daw ito sa responsableng pagmimina.

Walastik, resulta pa ba ng responsableng pagmimina na ilang daang katao na ang natabunan ng buhay at nawalan ng tahanan bunsod sa kapabayaan ng kompanyang ipatupad ang mahigpit na seguridad habang isinasagawa ang pagkutkot ng ginto na ‘yan?

Ipalagay pa na hanggang rekomendasyon lang ang magagawa ng Mines and Geosciences Bureau o MGB na ipatigil ang operasyon sa lugar dahil wala nga naman itong awtoridad na ipasara ang dambuhalang minahan subalit malaki ang ginagampanang papel nito upang impluwensyahan ang desisyon ng gobyerno na ayon kay Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas ay kailangan suspendihin na ang tulad nitong large scale mining sa bansa para maiwasan ang pagwasak na ating kalikasan na sadyang puno’t dulo naman ng malalagim na trahedyang ikinamamatay ng ating mga kababayan.

At higit sa lahat, batid ng taumbayan na kapag hindi na pinahintulutan ng lokal na pamahalaan na magsagawa pa ng mapanira sa kapaligirang operasyon ang sinomang kompanya ng minahan, wala itong magagawa kundi ang sumunod sa kautusang ito.

Ano nga ba ang magagawa ng pamahalaang nasyonal sa lokal dahil klarado sa batas natin ang local autonomy?

Ngunit habang may ilang baluktot at tiwaling opisyal ng pamahalaan na nasisilaw sa kinang ng ginto’t salapi na hatag ng malalaking kompanya ng minahan sa bansa, maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi rin matitigil ang pagwasak na mga kabundukan dito na kargado na iba’t-ibang yamang mineral.

Sa madaling sabi, kwarta pa rin talaga ang nangingibabaw at hindi kapakanan ng sambayanan.

Previous articleAbalos sa DILG: Electrical connections sa PGH busisiin
Next article‘YANG ASIN