Home OPINION ‘YANG ASIN

‘YANG ASIN

‘YANG asin, nauna pa sa tao, ayon sa kasaysayan kasi bahagi ang asin ng karagatang isa sa mga pangunahing bumubuo ng daigdig.

Noong unang mga panahon umano, nauna pang kumakain ang mga hayop ng asin kaysa sa tao at maaaring karugtong na lang nila ang mga baka na mahilig kumain ng asin sa ating mga palad kung nagagawi tayo sa mga bakahan.

Tinularan na lang umano ng mga tao ang mga hayop sa pagkain ng asin hanggang sa hindi na makakain nang tama ang tao kung walang asin.

Sa maraming Pinoy nga, oks na sa kanila ang may sabaw na kanin na mainit na binubudburan nila ng asin bilang almusal.

ASIN SA PINAS

Sa pinakahuling mga rekord, 93 porsyento sa asin sa Pinas ang imported.

Ito’y sa kabila ng pagkakaroon natin ng hindi masukat na karagatang nakapaligid sa mahigit 7,100 isla natin.

Hindi kapani-paniwala ngunit totoong halos wala tayong produksyon ng asin sa kabila ng walang hanggang karagatan na pagkukunan natin ng asin.

Dito natin naalaala, mga Bro, ang pamamasyal natin sa Pangasinan at Ilocos.

Nadadatnan natin ang mga matatanda na may mga malalaking talyasi na lutuan nila ng mga binabalde nilang mga tubig-dagat.

Magdamag silang nagluluto at kapag natuyo na ang tubig-dagat, doon na nila kinakayod ang mga pinong asin.

Pamana umano ng kanilang mga lolo at lola ang paggawa ng asin at nangangahulugang, panahon pa ng mga Kastila, gumagawa na tayo ng asin.

Dumating ang mga komersyal na paggawa ng asin, gaya ng nasaksihan natin sa Bolinao, Pangasinan noong panahon ng martial law at trak-trak ang mga nagbibiyahe ng asin papuntang Metro Manila at buong Luzon.

Dumating ang si dating Pangulong Eddie Ramos, nagkaroon ng batas na dapat iodized ang asin natin.

Dito na huminto ang paggawa ng maramihang asin dahil kinailangan ang mga mamahaling makina at kemikal para sa iodized salt at hindi na nakayanan ng mga salt farmer ang gastos para rito.

At ito na ang dahilan sa mga araw na ito na 93% sa asin natin ang imported.

BAGONG BATAS SA ASIN

Kapipirma lang ni Pang. Bongbong Marcos ang Republic Act No. 11985 o Philippine Salt Industry Development Act at tinukoy ang 13 lalawigan mula sa Ilocos Norte hanggang Antique na roon gagawin ang mga salt farm.

Pwedeng iodized kung gamit pantao ang asin at pwedeng hindi iodized kung para sa iba, gaya ng mga hayop at pataba sa mga puno ng niyog.

Dapat may kasamang pamimigay ng pondo, pwedeng utang o libreng bigay mula sa pamahalaan, upang maihanda ang mga salt farm,

Kasama rin diyan ang mga training sa paggawa ng asin at pagdadala sa merkado ng mga produktong asin para makatiyak ng kita ang mga salt producer.

Sana naman, muling sisigla ang industriya ng asin sa ating bansa at anong malay natin kung maging malaking producer tayo ng asin at puwede tayong magbenta sa ibang bansa, bukod sa pagiging salt-sufficient natin?

Previous articlePANGANGALAGA NG KAPALIGIRAN PROTEKSYON SA TAUMBAYAN
Next article#JusticeForKillua ipinanawagan ng netizens